Calendar
Source: Screenshot mula sa FB video
MAG-AMA SA BONDI MASS SHOOTING WALANG DIREKTANG UGNAYAN SA TERORISTANG GRUPO SA PH — AFP
WALA pang verified na impormasyon na nag-uugnay sa dalawang suspek sa mass shooting sa Bondi Beach sa Sydney, Australia sa mga teroristang grupo sa Pilipinas.
Ito ang nilinaw ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kasunod ng impormasyon na halos isang buwan na bumisita at namalagi ang mag-amang Indian nationals, na namaril sa Bondi Beach noong Linggo na ikinasawi ng 16 na katao kabilang ang isang suspek at pagkasugat ng 40 iba pa.
Ayon sa tagapagsalita ng AFP na si Col. Francel Margareth Padilla, hindi pa napatutunayan ang mga alegasyon na may kaugnayan sa terorismo ang mag-amang Indian na sina Sajid at Naveed Akram.
Hindi rin aniya kumpirmado ang impormasyon na sumailalim ang mga ito sa umano’y military-style training habang nasa bansa.
“At this time, there is no validated information confirming such claims,” pahayag ni Padilla.
Nauna nang kinumpirma ng Bureau of Immigration na pumasok sa Pilipinas ang mag-ama noong Nobyembre 1 at umalis noong Nobyembre 28.
Kaugnay nito, tiniyak ng AFP na patuloy ang koordinasyon nito sa iba’t ibang ahensiya upang manatiling mapagmatyag laban sa anumang banta sa seguridad ng bansa.
Ang pahayag ay ginawa ng AFP bilang tugon sa ulat ng Australian Police na may natagpuan silang “homemade” Islamic State flag sa mga gamit ng mag-ama, kaya posibleng ang pamamaril ng mga ito sa Australia ay may kinalaman sa pagsunod ng mga ito sa ideology ng IS.
Ayon kay Padilla, ang mga usaping may kaugnayan sa paggalaw ng mga dayuhang mamamayan at posibleng ugnayan sa terorismo ay mahigpit na tinututukan ng AFP.
Patuloy din aniya ang kanilang pakikipag-ugnayan at pakikipagtulungan sa mas malawak na sektor ng seguridad, upang manatiling nakabantay laban sa anumang uri ng terorismo at handang suportahan ang mga sibilyang awtoridad sa pangangalaga ng pambansang seguridad.

