JV

JV: Pondo para sa healthcare dapat mapakinabangan agad ng pasyente

108 Views

NANINDIGAN si Senador JV Ejercito na hindi dapat dumaan sa mga politiko ang pondo para sa serbisyong pangkalusugan at sa halip ay direktang ilaan ito sa mga ospital upang matiyak na agad itong napapakinabangan ng mga pasyente.

Sa isang pahayag na ibinahagi sa social media, sinabi ni Ejercito na hindi dapat nanlilimos ng serbisyong pangkalusugan ang mga mamamayan, lalo na ang mahihirap na umaasa sa mga pampublikong ospital. Ayon sa senador, obligasyon ng pamahalaan na tiyaking ang pondo para sa healthcare ay dumadaloy mismo sa mga pasilidad na nagbibigay ng aktuwal na serbisyo.

Ipinahayag ni Ejercito ang kanyang pagtutol sa panukalang pagtaas ng pondo para sa Medical Assistance to Indigent Patients (MAIP), na aniya’y maaaring magpalakas ng patronage politics sa halip na magbigay ng pangmatagalang solusyon sa mga problema sa sistema ng kalusugan.

“Hindi na dapat dumadaan pa sa politiko ang pondo para sa healthcare. Dapat diretso na sa ospital ang pondo,” ayon kay Ejercito. Dagdag pa niya, taliwas umano ito sa diwa ng Universal Health Care Act na nagtatakda na ang serbisyong pangkalusugan ay karapatan ng mamamayan at hindi pabor o utang na loob.

Samantala, umayon si Senadora Pia Cayetano sa panawagan na tiyaking ang pondo para sa kalusugan ay epektibong nagagamit at umaabot sa mga ospital at pasyente. Sa mga deliberasyon sa badyet, binigyang-diin ni Cayetano na ang pangunahing problema sa Universal Health Care at Zero-Balance Billing ay hindi kakulangan ng pondo kundi ang hindi paglalabas ng mga pondong nakalaan na sa ilalim ng batas.

Ayon kay Cayetano, ang hindi pag-remit ng mga koleksiyon mula sa sin tax at iba pang pinagkukunan ay naglilimita sa kakayahan ng mga pampubliko at lokal na ospital na magbigay ng serbisyo.

Sinabi rin niya na kung maipalalabas ang mga pondong ito, mababawasan ang pasanin ng mga ospital at ang pag-asa ng mga pasyente sa indibiduwal na tulong medikal.

Dagdag pa ng senadora, mahalagang sabayan ang imprastraktura ng sapat na health workers upang maging ganap na operasyonal ang mga pasilidad. Aniya, ang buong pagpapatupad ng mga umiiral na batas sa kalusugan ay makatutulong upang matiyak ang mas pantay na access sa serbisyong medikal, lalo na para sa mahihirap at nasa kanayunan.