Calendar
Hontiveros isinusulong P15B para sa ZBB sa LGU hospitals sa 2026 budget
HABANG nagpapatuloy ang deliberasyon ng bicameral conference committee sa panukalang 2026 national budget, iminungkahi ni Senador Risa Hontiveros sa Senate contingent ang isang special provision na maglalaan ng humigit-kumulang P15 bilyon para sa zero balance billing (ZBB) sa mga ospital na pinapatakbo ng mga local government unit (LGU).
Ito’y kukunin mula sa P51 bilyong pondong inaprubahan para sa Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) program.
“Kung tanggapin ang special provision na ito sa budget, magagarantiya natin na P15 billion o 30 percent ng P51 billion para sa MAIFIP ang mapupunta sa mga LGU hospitals para sa libreng pagpapagamot sa ilalim ng ZBB,” sinabi ni Hontiveros, chairperson ng Senate committee on health and demography.
Dagdag pa niya, “Umaasa ako na magiging bukas ang Senate bicam contingent para tanggapin ang proposal ko, dahil na rin tumugon na kami sa hiling ng DOH na i-expand ang coverage ng ZBB sa mga LGU hospitals sa pamamagitan ng pagbibigay ng P1 billion para dito sa aming version ng 2026 budget.”
Sa kasalukuyan, saklaw lamang ng ZBB ang buong gastos ng serbisyong ibinibigay sa mga pasyente sa basic o ward accommodation sa mga ospital ng Department of Health (DOH).
Layunin ng special provision ni Hontiveros na palawakin ang programa upang masaklaw din ang mga ospital ng LGU.
“Sa pamamagitan ng special provision ko, mas maraming Pilipino ang puwedeng makakuha ng libreng pagpapaospital sa ilalim ng ZBB dahil hindi na lang ang mga pasyente ng 86 DOH hospitals ang puwedeng magbenepisyo dito, kundi pati na rin ang mga kababayan nating binibigyan ng serbisyo ng daan-daang LGU hospitals,” ani Hontiveros.
Ayon sa senador, bahagi ito ng mas malawak na reporma sa medical assistance system ng gobyerno na kanyang isinusulong sa pamamagitan ng Senate Bill No. 1593 o Universal Health Care Medical Assistance Program, na kamakailan niyang ini-sponsor sa plenaryo ng Senado.
“Layunin ng panukalang batas na ito na idiretso na ang medical assistance sa mga ospital para sila na mismo ang mamigay nito sa kanilang mga pasyente,” saad ni Hontiveros.
“Kung sinuman ang may kailangan ng alalay, bibigyan agad-agad. Walang kapalit. Walang kondisyon. Walang palakasan,” giit pa niya.
Sa ilalim ng panukalang batas, maaaring mag-apply ang mga pasyente ng medical assistance sa pamamagitan ng mga rehistradong social worker, na kailangang magproseso ng aplikasyon sa loob ng 72 oras sa halip na umasa sa guarantee letters.
Sinabi ni Hontiveros na ipagpapatuloy niya ang pagsusulong ng mga reporma sa kalusugan kahit lampas na sa kasalukuyang budget deliberations.
“Magtutuloy ang aking adbokasiya para sa mga makabuluhang reporma sa ating universal health care system gaya ng aking matagal nang pagtulak para dito noon, sa budget deliberations ngayon, at sa patuloy kong pagtatrabaho sa Senado sa hinaharap,” ani Hontiveros.

