Calendar
Ramil Madriaga
De Lima hiniling sa BJMP na siguruhing ligtas si Madriaga

DAPAT tiyakin ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang kaligtasan at seguridad ng bilanggo na si Ramil Lagunoy Madriaga, matapos kumalat sa publiko ang kanyang leaked affidavit na naglalaman ng “serious allegations” laban kay Vice President Sara Duterte, sinabi ni House Deputy Minority Leader Leila de Lima ng Mamamayang Liberal (ML) Party-list.
Ginawa ni De Lima ang pahayag sa isang news forum kamakailan kung saan siya ay tinanong tungkol sa posibleng banta sa seguridad ni Madriaga, na kasalukuyang nakakulong sa BJMP facility sa Bicutan, Taguig City, matapos kumalat online ang detalye ng kanyang sinumpaang salaysay.
Ayon kay De Lima, nakasaad sa leaked affidavit ni Madriaga na ang kampanya ni Pangalawang Pangulong Duterte noong 2022 ay pinondohan umano gamit ang pera mula sa mga Philippine offshore gaming operator (POGO) at mga drug dealer.
Binigyang-diin ng dating kalihim ng Department of Justice na dahil sa pagiging sensitibo ng mga pahayag na nasa pampublikong kaalaman na, may malinaw na responsibilidad ang mga awtoridad na tiyakin ang proteksyon ng bilanggo habang siya ay nasa kustodiya ng estado.
Iginiit pa ni De Lima na bahagi ng mandato ng BJMP ang pagtiyak sa kaligtasan ni Madriaga, lalo na’t ang kanyang mga pahayag ay nakakuha ng pambansang atensyon at nagdulot ng matinding interes ng publiko.
“I think ’yung pamunuan, the management of the BJMP facility, I think kailangan din nila to ensure the security of Mr. Madriaga, irrespective of what turns out from all of this,” ani De Lima.
“I think his security is a concern in the meantime na mayroon ganito na kailangan talaga tingnan, i-scrutinize, i-look into those allegations,” dagdag pa niya.
Bukod sa pag-aakusa na ang pera mula sa POGO at drug dealers ang nagpondo sa kampanya ni VP Duterte noong 2022, sinabi rin ni Madriaga na siya mismo ang inutusan na maghatid ng malalaking salapi na umaabot sa bilyong piso.
Ayon kay Madriaga, isang babaeng opisyal ang nag-atas sa kanya na magdala ng malalaking halaga ng pera sa iba’t ibang tao, at idinetalye niya ang paraan at lawak ng umano’y transaksyon sa kanyang leaked affidavit.
“I received a copy of the affidavit at syempre nakita ko, napaka-sensitibo, napakabigat ng kanyang mga akusasyon laban, hindi lang laban kay VP Sara kundi mayroon din siyang mga sinasabi tungkol sa dating Pangulo,” saad ni De Lima.
Bagama’t binigyang-diin ni De Lima na si Madriaga ay gumawa ng isang “duly sworn affidavit,” sinabi niyang balak pa rin niyang magsagawa ng sariling niyang masusing pagsusuri.
“Bago ako, to take any action, let me first reserve any judgement, di ba? Kasi ang gusto ko ’pag mga ganitong mga bagay na maselan, sensitibo ay maging maingat. So ’yun po ang sitwasyon,” sinabi niya.
“It’s a notarized, duly-sworn affidavit. So magiging kulang na lang ay ’yung i-affirm niya in a proper forum,” pahayag ni De Lima.

