Estafa

Mag-asawa kulong dahil sa estafa, walang piyansa

Edd Reyes Jun 13, 2025
21 Views

MAGKASAMA hanggang sa selda ang mag-asawang nahuli dahil sa kasong estafa nang masukol ng pulisya noong Huwebes sa Paranaque City.

Nahuli bandang alas-9:30 ng umaga ng mga tauhan ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Joseph Arguelles sina alyas Ryan, 42; at Maureen, 31 nang matiyempuhan sa Dr. A. Santos Avenue, Paranaque.

Nagsimulang tugisin ng Paranaque police, sa pamumuno ni P/Col. Melvin Montante, ang mag-asawa ng maglabas ng warrant of arrest si Pasay City Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Divina Gracia Lopez-Malino ng Branch 231 dahil sa kasong swindling/estafa.

Walang inirekomendang piyansa para sa pansamantalang paglaya ng mag-asawa.

Ayon kay BGen. Arguelles, isinagawa ang pagtugis sa mag-asawa dahil sa direktiba ng National Capital Region Police Office (NCRPO).