Calendar
MAG-INA MAY ‘MODUS’ SA PANGHAHALAY NG PWD, 14
TIMBOG ang 45-anyos na kelot habang tinutugis pa ang kanyang ina dahil umano sa panghahalay sa 14-anyos na dalagitang may learning disability sa Malabon City.
Naglalakad sa kalsada ang Grade 1 student na biktima na nagbakasyon lang sa lungsod mula sa lalawigan ng Laguna nang pakiusapan siya umano ng 65-anyos na ina ng suspek na tulungan siyang maihiga ang lasing na lasing niyang anak sa kama sa loob ng kanilang tirahan sa Labahita St. Brgy. Longos dakong alas-8:00 noong Linggo ng gabi.
Pagpasok nila sa silid, umalis kaagad ang matandang babae at iniwan silang dalawa ng suspek sa loob ng silid hanggang pagbantaan ng lalaki ang dalagita na sasaksakin kapag hindi pumayag sa kanyang kagustuhang makipagtalik.
Matapos ang umano’y panghahalay, nagsumbong ang dalagita sa kanyang ama na kaagad humingi ng tulong sa pulisya na dahilan upang madakip ng mga tauhan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili ang suspek habang tinutugis pa ang kanyang ina.
Ayon sa pulisya, sinamantala ng mag-ina ang kalagayan ng dalagita na madaling mahikayat dahil sa atrasado ang pang-unawa kumpara sa mga normal na bata kaya’t mas mabigat na kaparusahan ang naghihintay sa mag-ina sa ginawa nilang paglapastangan sa menor-de-edad na biktima.

