Calendar
Magandang employment opportunities para sa mga OFWs inaasahan ng OFW Party List na mapasama sa SONA ni PBBM
UMAASA ang OFW Party List Group sa Kamara de Representantes na mapapasama sa ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. ang pagkakaroon ng magandang “employment opportunities” para sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs).
Sinabi ni OFW Party List Congresswoman Marissa “Del Mar” P. Magsino na napakahalagang mabanggit sa ikalawang SONA ni Pangulong Marcos, Jr. ang pagkakaroon ng policy direction para sa mga OFWs partikular na ang pagkakaroon ng magandang employment opportunities para sa kanila.
Bukod dito, nais din sana ni Magsino na mapasama sa SONA ng Pangulo ang pagkakaroon ng iisang “Repatriation Command Center” para sa mga OFWs o Migrants Workers na lumilikas mula sa bansang pinagta-trabahuhan nila na mangangasiwa sa mga pangangailangan ng mga OFWs.
Una ng sinabi ni Magsino na siya’y optimistiko na magpapatuloy ang policy direction ni Pangulong Marcos, Jr. para sa mga OFWs na nabanggit nito sa kaniyang unang SONA noong nakaraang taon partikular na sa pagpapahalaga ng pamahalaan sa mga OFWs na nagbibigay ng malaking kontribusyon sa ekonomiya ng bansa.
Sa pagbubukas ng 2nd Regular Session ng Kongreso, inihayag din ni Magsino na maraming programa at proyekto ang nakahilera para sa mga OFWs kabilang na aniya dito ang pagkakaroon ng emergency employment programs at pamimigay ng cash assistance para sa mga distressed OFWs at kanilang pamilya.
Samantala, inasistihan o tinulungan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Region 3 sa pangunguna ni OWWA Region 3 Director General Atty. Falconi “Ace” V. Millar ang isang OFW mula Hong Kong na may pisikal na karamdaman o mayroong “Acute Right Lobar Hemorrhage.
Sa pakikipagtulungan ni Director General Millar sa Department of Migrant Workers (DMW). Matagumpay na nai-uwi ng Pilipinas ang nasabing OFW matapos itong ma-ospital ng ilang araw sa Hong Kong bago pa man naisagawa ang kaniyang medical repatriation dahil sa kaniyang kondisyon.
Sinabi din ni Millar na nakatakda nilang ilunsad ang proyekto ng OWWA Region 3 sa pamamagitan ng Welfare Assistance Program (WAP) at Medical Assistance at Balik Pinas Balik Hanapbuhay Program (BPBH) para sa mga OFWs na bumabalik ng Pilipinas mula sa ibayong dagat.