Marianito Augustin

Magandang performance at achievements ng OWWA Region 3 dahil sa mahusay na pamamalakad ni Atty. Millar

400 Views

IBINIDA ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Region 3 ang kanilang samu’t-saring achievements dahil na rin sa mahusay na pamamalakad ni Director General Atty. Falconi V. Millar.

Sa panayam na ginawa ng inyong lingkod kay Atty. Millar, inihayag nito ang mga naging achievements ng OWWA Region 3 mula ng maitalaga siya bilang Regional Director.

Ayon sa nasabing opisyal ay malaki ang naitutulong nila sa napakaraming Overseas Filipino Workers (OFWs).

Sinabi ni Atty. Millar na ang isa sa malaking pagbabago sa OWWA Region 3 sa lalawigan ng Pampanga sa ilalim ng kaniyang pamamahala ay ang mabilis na proseso at sistema ng pag-asikaso sa pangangailangan ng mga OFW’s na kung dati ay “usad pagong” at inaabot ng napaka-tagal. Sa kasalukuyan ay halos hindi na aabutin ng matagal ang pagpo-proseso sa kanilang mga dokumento.

Marahil ang tinutukoy ni Millar ay yung hindi na nila pinababalik-balik ang mga OFWs sa pagpo-proseso ng kanilang mga dokumento o masyado silang pinahihirapan. Sa madaling salita ay ginawa niyang maginhawa ang buhay ng mga kababayan nating OFWs para na rin ang kanilang mga pamilya.

Bukod dito, nabatid pa natin kay Atty. Millar na hindi lamang niya pinadali at binago ang sistema sa loob ng OWWA Region 3. Bagkos, nagbibigay din sila ng ayuda o tulong para sa mga OFWs na nahaharap sa matinding suliranin. Kasama na ang kanilang mga pamilya dito sa Pilipinas.

Kailangan naman natin bigyan ng recognition ang mga opisyal ng ating gobyerno na gaya ni Atty. Millar na tapat na naglilingkod sa ating bayan. Dapat lamang na maipabatid natin sa publiko na may mga opisyal ng ating gobyerno ang totoong nagse-serbisyo sa kapakanan ng publiko.

Ito ay upang malaman ng publiko na hindi naman lahat ng nasa pamahalaan ay mga tamad at walang ginagawa. May mga taong gaya ni Director General Millar ang nagta-trabaho ng husto para paglingkuran ang libo-libong OFWs na nagtutungo sa kanilang tanggapan para humingi ng kanilang tulong.

Nais nating malaman ng publiko na isa lamang si Atty. Millar sa mga government officials na hindi nagbubutas ng bangko sa kanilang opisina. Sa halip ay kayod kalabaw sa paglilingkod.

Kaya kay Director General Millar, saludo po ang sa inyong tapat na paglilingkod.

Keep it up Sir. God Bless po.

Samantala, nagpahayag naman ng labis na pagkabahala ang OWWA Region 3 para sa ating mga kababayang OFW’s dahil sa ginawang pagsasara ng boarder sa bansang Kuwait. Sapagkat karamihan ng mga OFW’s na residente diyan sa Central Luzon ay nagta-trabaho sa Kuwait.

Ayon kay Atty. Millar, ano lamang ang mangyayari sa mga kababayan nating OFW’s sakaling hindi na sila papasukin sa Kuwait. Ang ilan kasi sa kanila sabi ng OWWA Region 3 official ay nagba-bakasyon lang dito sa Pilipinas at anytime ay maaari na silang bumalik sa bansang iyon.

Kaya naiintindihan natin ang problemang kinakaharap ng OWWA Region 3. Sapagkat saan nga naman sila kukuha ng kanilang ikabubuhay kung ang “lifeline” nila ay naputol na tumutukoy sa Kuwait. Wala naman silang siguradong mapapasukan dito sa Pilipinas dahil sa dami ng mga nag-a-apply.

Umaasa na lamang tayo na sana ay hindi na magtagal at ma-resolba din ang problemang ito dahil siguradong maraming OFW’s ang maaapektuhan ng krisis na ito. Panalangin natin na sana matapos ito.