Sec. Maria Christina Frasco

Magandang performance ni Tourism Sec. Maria Christina Frasco pinapurihan ng House Committee on Tourism

Mar Rodriguez Dec 28, 2022
214 Views

PINAPURIHAN ngayon ng House Committee on Tourism si Department of Tourism (DOT) Sec. Maria Christina Garcia Frasco dahil sa ipinamamalas nitong magandang perfomance bilang Kalihim na sumasalamin sa muling pagsikad at pagsigla ng Philippine tourism.

Ang naging pahayag ng House Committee on Tourism sa pangunguna ng Chairman nito na si Romblon Lone Dist. Cong. Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona ay kaugnay sa pagkakatanghal kay Frasco bilang pangatlo sa tinaguriang “top-performing” Cabinet officials.

Sinabi ni Madrona na ang magandang performance ni Frasco ay alinsunod sa survey na isinagawa ng RP – Mission and Development Foundation Inc. (RPMD). Kung saan, nakakuha ang naturang Kalihim ng 71% approval rating dahil sa mahusay na pamamalakad nito sa DOT.

Ipinaliwanag ni Madrona na ang mataas na “approval rating” na nakuha ni Frasco ay nangangahulugan lamang na mahusay at maganda ang ginagawa nitong pamamalakad sa Tourism Department na makikita sa muling pagsigla ng turismo ng Pilipinas.

Binigyang diin ng kongresista na sa gitna ng COVID-19 pandemic sa bansa ang malaking development o pag-unlad sa Philippine Tourism ay isang malinaw na ebidensiya o indikasyon na nasa tamang direksiyon ang DOT sa ilalim ng pamumuno ni Frasco.

Naniniwala si Madrona na lalo pang makakabangon ang Philippine Tourism sa pagpasok ng taong 2023. Dahil sa mga naka-ambang events at festivals sa susunod na taon katulad aniya ng mga piyesta na talagang dinadayo ng mga lokal at dayuhang turista.

“Mas lalo pang gaganda ang lagay ng ating turismo sa susunod na taon. Dahil may mga piyesta at papasok ang summer season na talagang dinadagsa ng mga turista. Kaya ang tingin natin ay talagang lalo pang sisigla ang Philippine tourism by 2023,” pahayag ni Madrona.