ASF

Magbababoy sa ASF ‘ground zero’ pupulungin ukol sa bakuna

Cory Martinez Aug 19, 2024
72 Views

SISIMULAN na ng Department of Agriculture (DA) ang information dissemination hinggil sa pagbabakuna ng mga baboy sa Lobo, Batangas na idineklarang “ground zero” dahil sa outbreak ng African Swine Fever (ASF) sa naturang lugar.

Sa isang panayam sa radio, sinabi ni DA Assistant Secretary for Poultry and Swine Dante Palabrica na pupulungin muna nila ang magbababoy na meron pang natitirang baboy para ilatag sa kanila ang rules of engagement sa gagawing controlled vaccination.

“Bukas (Martes) ay nasa Batangas kami upang ilatag ang mga rules of engagement sa pagbabakuna. Kasi ang ibinigay ng Food and Drugs Administration (FDA) ay controlled vaccination, ibig sabihin meron kaming susundin na proseso na ilatag ng FDA kaya bukas sasabihin na namin sa mga magbababoy kung paano ang gagawin na para kapag nakasunod tayo lahat dun sa gusto ng FDA, diretso na ang pagbabakuna,” ani Palabrica.

Napag-alaman na dumating na sa bansa ang may 10,000 doses ng bakuna para sa ASF mula sa Vietnam subalit ani Palabrica na hindi agad-agad ito gagamitin sa mga baboy dahil kailangan munang magkaroon ng konsultasyon sa mga magbababoy kung paano isasagawa ang pagbabakuna.

Paliwanag pa ni Palabrica na ang aktwal na pagbabakuna ay maisasagawa pagkatapos na masuri ang mga baboy na babakunahan.

“Hindi po natin minamadali at para malaman natin ang tunay na epekto ng gamot na ito sa mga baboy,” ani Palabrica.

Ayon sa opisyal na sa ilalim ng rules of engagement, mahalagang makunan muna ng dugo ang mga baboy na babakunahan upang malaman kung meron nang active infection or wala pa dahil hindi magiging epektibo ang bakuna kapag meron nang active infection.

Importante din na ang babakunahan na baboy ay yung mga palakihin o grower at hindi dapat gamitin sa mga inahin.

“So maraming mga proseso pa ang gagawin at pag nakapirma na ang mga magbababoy na gustong pabakunahan ang kanilang mga alaga, sisimulan na natin ang individual na vaccination at ang magbabakuna ay mga taga-gobyerno pati yung nasa piggery sector na gustong makita kung effective itong gagawin natin,” dagdag pa ni Palabrica.

Samantala, natapos na ng DA ang serye ng konsultasyon nito sa Calabarzon upang repasuhin ang protocol sa paggalaw ng mga malusog na baboy sa gitna ng outbreak ng ASF, partikular na sa Batangas.

Pinulong nina Palabrica, Undersecretary for Livestock Deogracias Victor Savellano at DA Undersecretary for Policy, Planning and Regulation Asis Perez, ang mga local na opisyal, mga agriculturist sa Calabarzon at mga industry group na kung saan pinag-usapan ang paraan kung paano ibibiyahe ang mga malulusog na baboy at maampat ang pagkalat ng ASF virus sa mga rehiyon na una nang nakaranas ng matinding epekto sa swine production simula pa noong 2019.

Ayon kay Perez, sa mga pinukalang patnubay ng DA, magkakaroon ng pagkakataon na ibyahe ang mga malulusog na baboy kahit na sa mula sa mga mga Red Zone or lugar na may aktibong kaso ng ASF hanggang sa ibang lugar upang matiyak na hindi maaapektuhan ang suplay ng baboy at mapanatili ang kabuhayan ng mga magbababoy.

“The government will ease regulation but we have to make sure only live and healthy pigs are transported, not the infected ones, to avoid the spread of ASF. That’s why we must ensure infected animals stay in red zones,” ani Perez.

Ibinulgar naman ni Savellano na inaprubahan na ni DA Secretary Francisco P. Tiu Laurel, Jr. ang pagtaas ng halaga ng indemnification para sa mga ASF-infected na baboy na isusuko ng mga magbababoy sa gobyerno para sa depopulation upang matigil ang pagkalat ng virus.

Para sa mga biik na isusuko, babayaran ang mga magbababoy ng P4,000 kada biik; P8,000 sa medium-sized na baboy at P12,000 para sa malalaking baboy. Dati, ang maximum indemnification ay P5,000 kada baboy. Itinabi na ang inisyal na halagang P50-milyon bilang pondo sa indemnification.

Paliwanag ni Savellano na layunin ng pagtaas ng halaga ng indemnification na hikayatin ang mga magbababoy na isuko ang kanilang alaga sa halip na ibenta ang mga ito sa mga unscrupulous trader na siya namang nagbibiyahe ng mga infected na baboy sa ibang lugar upang katayin.