Calendar

Speaker Romualdez sa mga kandidato ng Lakas-CMD sa kanyang distrito: Magkaisa, manalangin sa malinis na halalan

Speaker Romualdez sa mga kandidato ng Lakas-CMD sa kanyang distrito
OPISYAL nang nagsimula ng Biyernes ang kampanya ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, na tumatakbong muli bilang kinatawan ng unang distrito ng Leyte.
Kasabay nito ay pinaalalahanan ni Speaker Romualdez ang kanyang mga kaalyado at kandidato ng pinamumunuan nitong Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD) na magkaisa at manalangin para sa isang malinis at matagumpay na pangangampanya.
“Sa lahat ng kasama nating kandidato sa Lakas-CMD—mga kapartido, kaalyado at kaisa sa serbisyo—panahon na para muling ipakita sa taumbayan ang klase ng lideratong tapat, subok at may puso. Tuloy ang ating serbisyo. May God bless our campaign,” ani Speaker Romualdez, pangulo ng Lakas-CMD, ang pinakamalaking partido sa paparating na midterm elections, sa kanyang pakikipagpulong ng Biyernes sa kanyang mga kaalyado sa Tacloban City.
Walang kalaban si Speaker Romualdez sa kanyang reelection bid. Tiniyak nito sa kanyang mga ka-distrito na kanyang ipagpapatuloy ang paglilingkod sa Leyte nang may parehong dedikasyon at mas higit pang pagsisikap, at mas pahuhusayin pa ang mga programa sa darating na mga taon.
Kasabay nito, hinimok niya ang kanyang mga kapwa kandidato ng Lakas-CMD sa buong bansa na iparating sa bawat komunidad ng mga Pilipino ang mensahe ng kanilang serbisyo at mga nagawa, dahil ang kanilang misyon ay lampas sa pulitikal na tagumpay.
“Sa ating kampanya, proven na hindi salita ang puhunan kundi gawa. Mga proyektong ramdam sa bawat barangay, sa bawat pamayanan, sa bawat pamilya,” ani Speaker Romualdez.
“Ito ang bunga ng paninindigan at tapat na pamumuno—‘yung ginagawa ang tama dahil ito ang kailangan ng mga tao,” dagdag niya.
Buong kumpiyansa rin si Speaker Romualdez sa tagumpay ng senatorial slate ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas at nangakong magbibigay ng solidong suporta para sa kanilang panalo, hindi lamang sa Leyte kundi sa buong Rehiyon 8.
“Garantisado po, mananalo sa Leyte at buong Eastern Visayas ang tiket ng Alyansa sa Bagong Pilipinas. Nandito ang suporta ng ating mga kababayan. Buo ang tiwala ng Region 8 sa platapormang pagbabago at pagsusulong ng Bagong Pilipinas,” aniya.
Batay sa datos ng Commission on Elections (Comelec), sinabi ni Anna Capella Velasco, executive director ng Lakas-CMD, na may kabuuang 6,118 kandidato ang tumatakbo sa ilalim ng dominanteng partido para sa halalan sa 2025.
Kabilang dito ang dalawang kandidato sa pagka-senador—Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr. at House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo; 21 kandidato sa pagka-gobernador; 129 para sa kinatawan ng Kongreso; 29 para sa bise-gobernador; 37 alkalde ng lungsod; 39 bise-alkalde ng lungsod; 432 konsehal ng lungsod; 572 alkalde ng munisipyo; 518 bise-alkalde ng munisipyo; 4,089 konsehal ng munisipyo; at 250 miyembro ng board.
Sa bilang na ito, sinabi ni Velasco na 1,375 ang kababaihan at 4,743 ang kalalakihan—patunay ng malawak at inklusibong saklaw ng Lakas-CMD sa buong bansa.
Binigyang-diin din ni Velasco na 27 sa mga kandidato ng partido sa Kongreso ang tumatakbo nang walang kalaban, isang indikasyon ng malakas na kumpiyansa ng taumbayan sa kanilang pagganap at koneksyon sa publiko.
“Napakalawak ng ating hanay, may Lakas-CMD na handang maglingkod. Iisa ang layunin natin: ang ituloy ang magandang nasimulan para sa ating mga kababayan,” ani Speaker Romualdez.
“Iyan ay patunay ng tiwala ng taumbayan sa Lakas-CMD. Pero hindi ito dahilan para maging kampante. Mas lalo nating dapat patunayan na karapat-dapat tayo sa tiwalang ibinibigay,” dagdag niya.
Hinikayat din niya ang lahat ng kandidato ng Lakas-CMD na ituon ang kanilang kampanya sa malinis at positibong pangangampanya, at ipokus ang kanilang mensahe sa serbisyo at nagawa, hindi sa personalidad.
“Ang tagumpay ay hindi lang nasusukat sa dami ng boto. Nasusukat ‘yan sa kalidad ng ating paglilingkod pagkatapos ng halalan. Panalo man o hindi, tuloy ang serbisyo,” aniya.
Nag-alay din si Speaker Romualdez ng panalangin para magkaroon ng lakas at pagkakaisa, at maging patas ang pangangampanya sa buong eleksyon.
Ipinaalala din niya sa kanyang mga kaalyado na ang kanilang pinakamalakas na sandata ay ang kanilang sama-samang dedikasyon sa paglilingkod sa bayan.
“May God bless our campaign. Magkaisa tayo, magtulungan, at manatiling tapat sa ating layunin—ang pagsilbihan ang ating mga kababayan sa abot ng ating makakaya. Sa Lakas-CMD, tuloy-tuloy ang serbisyong may puso,” aniya.