Calendar
Larawan: MDRRMO Apalit/FB
Magkapatid nakuhang bangkay mula sa sasakyang binaha
MATAGUMPAY na natapos ang search and retrieval operation para sa magkapatid na naiulat na nawawala matapos mahulog sa binahang bahagi ng Balucuc Bypass Road sa Barangay Cansinala, Apalit, Pampanga.
Narekober ang mga bangkay nina Rene Paloma Llena, 30, driver, at Remond Paloma Llena, 22, pahinante, alas-3:53 ng hapon noong Setyembre 4. Pinangunahan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Apalit ang operasyon, katuwang ang Philippine National Police (PNP) at Philippine Coast Guard (PCG).
Dalawang araw bago ang retrieval, Setyembre 2, nahulog umano sa binahang lugar ang green Isuzu Forward truck na sinasakyan ng magkapatid habang bumibiyahe mula Calamba, Laguna patungong San Simon, Pampanga. Ayon sa pulisya, sinalubong sila ng malakas na ulan at malakas na agos ng tubig-baha, dahilan para mawalan ng kontrol ang sasakyan at mahulog sa baha.
Kargado noon ang truck ng 36 assorted motorcycle units na ihahatid sana sa warehouse ng kumpanya. Patuloy ang dokumentasyon at imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente.
