Calendar

Magpinsan na Grade 8 dedo sa saksak ng kapwa estudyante
DEDO ang mag-pinsan na kapuwa Grade 8 student nang abangan sa labas ng paaralan at pagsasaksakin ng tatlong kapuwa estudyante, Biyernes ng gabi sa Las Piñas City.
Isinugod pa sa Las Piñas Doctors Hospital ang 15-anyos na si alyas “Rene” sanhi ng tama ng saksak sa leeg subalit binawian din ng buhay dakong alas-9:30 ng gabi, habang sa Las Piñas District Hospital naman dinala ang 15-anyos din niyang pinsan na si alyas “JM,” na una ng binawian ng buhay dakong alas-7:42 bunga ng malalim na saksak sa dibdib.
Isinuko naman ng kani-kanilang magulang ang mga suspek na isang 15-anyos na Grade 9, isang 16-anyos na Grade 10 at ang 14-anyos na Grade 7, na pawang mga residente ng Barangay Manuyo Dos, matapos silang himukin ni Las Piñas City Police Chief P/Col. Sandro Jay Tafalla na harapin ng kani-kanilang mga anak ang nagawang pagkakasala sa batas.
Sa ulat na isinumite ni Tafalla kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Joseph Arguelles, una ng nagkaroon ng pagtatalo dakong alas-4 ng hapon sina alyas Rene at ang Grade 9 na suspek sa loob ng palikuran ng Capt. Albert Aguilar High School, dahil pinaglaruan umano ng biktima ang switch ng ilaw sa pamamagitan ng pagpapatay-sindi na naka-irita sa binatilyo.
Alas-7 ng gabi nang abangan ng suspek sa Balikatan Street, Brgy. BF International, CAA, ang naka-alitang biktima, kasama ang Grade 10 at Grade 7 na kaniyang ka-lugar na noon ay walang pasok at nagtungo lang upang magsilbing backup.
Nagkataong sinundo naman ni alyas JM ang kanyang pinsang si alyas Rene kaya’t pati siya ay nadamay nang atakihin sila ng saksak ng mga suspek.
Nasa pangangalaga na ng Bahay Pag-asa sa Las Piñas City ang dalawang “Child in Conflict with the Law.”
Ayon sa pulisya, tinutukoy pa kung murder o homicide ang isasampang kaso, depende sa kalalabasan ng pagsisiyasat.