Magsino

Magsino ikinababahala sitwasyon ng mga OFWs sa Middle East

Mar Rodriguez Apr 24, 2024
142 Views

NABABAHALA si OFW Party List Cong. Marissa “Del Mar” P. Magsino bunsod ng komplikadong sitwasyon na kinakaharap ngayon ng libo-libong Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Middle East na nahihirapang mamili kung ano ang kanilang uunahin, ang kaligtasan ba nila o kabuhayan?

Sinabi ni Magsino na bunsod ng umiigting na digmaan sa Middle East, naiipit ang 90,000 OFWs at Overseas Filipinos (OFs) na nahihirapang mamili sa pagitan ng kanilang kaligtasan sa pamamagitan ng repatriation o pananatili sa nasabing bansa para sa kanilang hanap-buhay.

Binigyang diin ni Magsino na nababalot na ng takot ang mga OFWs sa Middle East maging ang kani-kanilang pamilya dito sa Pilipinas. Kaya napakahalaga aniya na maramdaman nila na sila’y nakahandang kalingain ng gobyerno sa pamamagitan ng paglalatag ng mga hakbang at programa.

Ayon sa kongresista, kailangang mas lalong paigtingin ng pamahalaan ang “reintegration plans” nito para sa 90,000 OFWs na maapektuhan ng kaguluhan sa Gitnang Silangan upang mapanatag ang kanilang kalooban na mayroong naghihintay na pagkakakitaan sa Pilipinas sakaling sila’y uuwi.

“Sino ba ang hindi matatakot sa bantang giyera? Marahil ay nababalot na ng takot at pag-aalala ang ating mga OFWs at kanilang pamilya. Kaya’t kailangan nilang maramdaman sasaluhin sila ng pamahalaan kahit pansamantala, kung sila man ay kailangan ng umuwi sa Pilipinas,” wika ni Magsino.

Nauna rito, sinabi ni Magsino na sa naging briefing ng House Committee on Overseas Workers Affairs para sa mga gagawing paghahanda ng mga ahensiya ng pamahalaan kaugnay sa namumuong kaguluhan sa Middle East. Inaalala ng mambabataas ang magiging kalagayan ng mga OFWs.

Samantala, ipinabatid ni Magsino na nakatakdang magkaroon ng voter’s registration para sa local at overseas voters sa darating na April 25, 2024 sa OFW Tulong at Serbisyo Center sa Ayala Manila sa pakikipagtulungan ng OFW Party List Group sa Commission on Elections (COMELEC).