Magsino

Magsino ikinagalak na binayaran ng Saudi wage claims ng OFWs

Mar Rodriguez Feb 13, 2024
183 Views

IKINAGALAK ni OFW Party List Cong. Marissa “Del Mar” P. Magsino ang pagbabayad ng Saudi Arabia ng wage claims para sa libo-libong Overseas Filipino Workers (OFWs) matapos ang halos sampung taong paghihintay.

Ayon kay Magsino, ikinatutuwa nito na sa wakas ay binayaran na rin ng pamahalaan ng Saudi Arabia ang “wage Claims” ng nasa 1,104 na OFWs matapos ang sampung taong paghihintay bunsod ng pagsisikap ng pamahalaan ng Pilipinas para maisakatuparan ang nasabing nasabing hakbang.

Pinasalamatan din ng OFW Lady solon si President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. matapos nitong atasan ang Department of Migrant Workers (DMW) na tutukan ang naturang kaso para hilingin sa Saudi Arabia na tuparin ang kanilang pangako na bayaran ang back pay ng mga OFWs.

Sinabi ni Magsino na marami pang OFWs ang maghahabol na makuha ang kanilang back wages. Kung saan, karamihan aniya sa mga OFWs ay nagsimula ng maghintay noong 2015 hanggang 2016 matapos magsara ang kompanyang pinagta-trabahuhan nila at idekalara ang bankruptcy.

Dahil dito, pinaurihan ni Magsino ang DMW dahil sa naging pagsisikap nito para makuha ng mga OFWs ang initial release ng kanilang unpaid wages at benefits na natanggal sa trabaho noong 2015.

Ipinaliwanag ng kongresista na sinikap at trinabaho ng husto ng DMW sa pamamagitan ng dating Kalihim nito na si yumaong Secretary Susan “Toots” Ople para makuha ng mga OFWs anf kanilang kompensasyon.

“Tayo’y natutuwa para sa 1,104 ba OFWs na nakatanggap ng kanilang labor claims matapos ang humigit kumulang na sampung taong paghihintay. Nagpapasalamat tayo sa mga opisyal at ating mga ahensiya na kumilos para maisakatuparan ang hakbang na ito. Lalo na sa ating Pangulong Bongbong Marcos, Jr. na masugid na nagbantay para tuparin ng Saudi Arabia ang kanilang pangako,” sabi ni Magsino.