Magsino

Magsino iminungkahi kampanya vs pagbe-vape ng mga kabataan

Mar Rodriguez Oct 25, 2023
254 Views

INIMUMUNGKAHI ni OFW Party List Cong. Marissa “Del Mar” P. Magsino kay President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. ang paglulunsad ng programa para paigtingin at palakasin ang kampanya ng gobyerno para mapigilan ang mga kabataan na unti-unting nahuhumaling sa paninigarilyo ng vape.

Ipinaliwanag ni Magsino na kailangang kumilos ang pamahalaan para maprotektahan ang mga kabataan laban sa masamang epekto ng vape sa kanilang kalusugan. Kasabay ng kaniyang panawagan sa mga kapwa kongresista na dapat magkaroon ng batas patungkol sa nasabing usapin.

Sinabi ni Magsino na kailangang kumilos na agad ang mga ahensiya ng gobyerno sa pamamagitan ng National Youth Commission (NYC) upang magsulong ng mga agresibong programa para matulungan ang mga kabataan na makahulagpos sa paninigarilyo ng vape na masama sa kanilang kalusugan.

Ikinabahala ng OFW Party List Lady solon na naglipana na ang mga vape shops sa buong bansa. Kung kaya’t napakadali na lamang umanong makabili ng mga kabataan ng vape na parang normal na lamang. Subalit hindi naman nila alintana ang masamang epekto na maaaring idulot nito sa kanilang kalusugan.

Dahil dito, nananawagan si Magsino kay Pangulong Marcos, Jr. para magkaroon ng konkretong kampanya ang gobyerno para matulungan at masagip ang mga kabataan patungkol sa unti-unting pagkahumaling sa vape.

“Nananawagan tayo sa gobyerno na kailangan sigurong magkaroon ng isang kampanya para masagip ang ating mga kabataan sa pagkahumaling sa vape. Hindi lang naman tayo advocate ng mga Karapatan ng ating mga OFWs. Kundi isa rin tayong Ina na nagmamalasakit para sa ating mga kabataan,” sabi ni Magsino.