Cong. Marissa “Del Mar” P. Magsino

Magsino isinusulong na mabigyan ng exemption ang mga OFWs sa pagbabayad ng contribution sa PhilHealth

Mar Rodriguez May 17, 2024
133 Views

ISINUSULONG ni OFW Party List Cong. Marissa “Del Mar” P. Magsino sa Kamara de Representantes na mabigyan ng “exemption” ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) mula sa pagbabayad ng contributions sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Sa isinagawang pagdinig ng House Committee on Health, ipinaliwanag ni Magsino na nararapat lamang na mabigyan ng exemption o dapat ng malibre ang mga OFWs sa pagbabayad nila ng contributions sa PhilHealth taliwas sa pananaw ng nakararami na ang mga OFWs ay masalapi o maraming pera.

Sinabi ni Magsino na nais lamang niyang itama ang nasabing pananaw dahil hindi porke’t nagta-trabaho sa ibang bansa ang mga OFWs ay marami na silang pera. Sa katunayan aniya ay maraming OFWs ang “kayod kalabaw” sa pagtatrabaho para lamang makatulong sa kanilang pamilya.

Binigyang diin ni Magsino na mabigat para sa mga OFWs ang magbayad ng contribution sa PhilHealth sa gitna ng hirap na pinagdadaanan nila sa ibayong dagat. Sapagkat hindi naman malaki ang kanilang kinikita para madagdag sa kanilang gastusin ang pagbabayad ng contribution.

“Hindi naman masyadong malaki ang kinikita ng ating mga OFWs sa abroad. Karamihan nga sa kanila ay halos kayod kalabaw para lamang madagdagan ang kanilang kita. Kaya ang pagbabayad nila ng contribution sa PhilHealth ay masyadong mabigat para sa ating mga OFWs,” sabi ni Magsino.

Ayon sa kongresista, batay sa inilabas sa data ng Philippine Statistics Authority (PSA) malaking porsiyento ng mga OFWs ang nata-trabaho sa ibang bansa bilang mga construction at farm workers, maintenance crew, house hold services at iba pang trabaho na tinatawag na “elementary occupation”.

“These OFWs earn an average of P30,000 to P 50,000 a month. At these lower income brackets, the capacity and propensity to save is much less one concrete assistance is to grant them preferential status in relation to their premium contributions to the National Health Insurance Program under PhilHealth,” ayon pa kay Magsino.