Magsino

Magsino nakahandang ipagpatuloy mga nasimulang programa para sa mga OFWs

Mar Rodriguez Jan 17, 2025
36 Views

SAKALING muling mabibigyan ng pagkakataon na muling mahalal si OFW Party List Rep. Marissa “Del Mar” P. Magsino para sa kaniyang ikalawang termino, Ipagpapatuloy nito aniya ang kaniyang mga nasimulang proyekto at isinulong na programa para kapakanan at kagalingan ng libo-libong Overseas Filipino Workers (OFWs) at Migrant Workers.

Sa ekslusibong panayam ng People’s Taliba, sinabi ni Magsino na kapag siya ay pinalad na muling mabigyan ng mandato upang makapag-lingkod bilang Kinatawan ng mga OFWs sa Kamara de Representantes, Ipagpapatuloy nito ang kaniyang mga proyekto at programa na isinulong nito noong una siyang maluklok bilang kongresista noong 2022.

Sabi ni Magsino na bagama’t sa loob ng tatlong taong panunungkulan nito sa Kamara de Representantes ay marami-rami na rin siyang mga nagawang proyekto at programa para sa mga OFWs partikular na ang paghahain ng panukala na naisa-batas kabilang dito ang Magna Carta for Filipino Seafarers, nakahanda parin siyang ituloy ang kaniyang mga nasimulan.

Paliwanag pa ng kongresista na ang isa sa mga nais niyang tutukan pagkatapos ng halalan sa Mayo kung siya ay papalarin ay ang pagpapalakas ng reintegration ng mga OFWs, ang pagsasa-ayos ng recruitment process at pagrebisa sa guidelines sa direct hiring at makatarungang departure protocols ng Bureau of Immigration (BI) para sa mga OFWs.

“Although madami na tayong nagawa sa unang termino natin. We’ve only just begun, ika nga. Nais natin ipagpatuloy ang mga nasimulan natin hanggang sa lalong lumago ang mga programa. Ipagpapatuloy natin ang mga polisiyang naitulak at maghain pa ng mga panukalang batas. Nais natin lalo pang palakasin ang reintegration, maayos at makatarungang recruitment process,” pahayag ni Magsino sa panayam ng People’s Taliba.

Nabatid pa kay Magsino na tututukan din nito ang mga pagbabagong itinutulak para sa bilateral labor aggreements lalo na para sa karapatan sa trabaho ng mga OFWs sa iba’t-ibang bahagi ng bansa na kadalasan ay nahaharap sa isang masalimuot na sitwasyon.

Ayon din sa kaniya, nais nitong lalo pang paigtingin ang usapin patungkol sa mental health programs ng mga OFWs kabilang na ang paglalagay ng funding allocation at financial literacy ng mga OFWs.

“Ilan lamang ito sa mga nais natin ipagpatuloy at maihatid sa ating ikalawang termino at ang pagdalaw at pagbisita sa ating mga OFWs sa iba’t-ibang host country,” dagdag pa ni Magsino.