Magsino

Magsino nakiramay sa 3 OFW na namatay sa sunog sa Kuwait

Mar Rodriguez Jun 14, 2024
166 Views

𝗡𝗔𝗚𝗣𝗔𝗔𝗕𝗢𝗧 𝗻𝗴 𝘁𝗮𝗼𝘀 𝗽𝘂𝘀𝗼𝗻𝗴 𝗽𝗮𝗸𝗶𝗸𝗶𝗱𝗮𝗹𝗮𝗺𝗵𝗮𝘁𝗶 𝘀𝗶 𝗢𝗙𝗪 𝗣𝗮𝗿𝘁𝘆 𝗟𝗶𝘀𝘁 𝗖𝗼𝗻𝗴. 𝗠𝗮𝗿𝗶𝘀𝘀𝗮 “𝗗𝗲𝗹 𝗠𝗮𝗿” 𝗣. 𝗠𝗮𝗴𝘀𝗶𝗻𝗼 𝗽𝗮𝘁𝘂𝗻𝗴𝗸𝗼𝗹 𝘀𝗮 𝗽𝗮𝗴𝗸𝗮𝗺𝗮𝘁𝗮𝘆 𝗻𝗴 𝘁𝗮𝘁𝗹𝗼𝗻𝗴 𝗢𝘃𝗲𝗿𝘀𝗲𝗮𝘀 𝗙𝗶𝗹𝗶𝗽𝗶𝗻𝗼 𝗪𝗼𝗿𝗸𝗲𝗿𝘀 (𝗢𝗙𝗪) 𝗻𝗮 𝗻𝗮𝘀𝗮𝘄𝗶 𝘀𝗮 𝗻𝗮𝗻𝗴𝘆𝗮𝗿𝗶𝗻𝗴 𝘀𝘂𝗻𝗼𝗴 𝘀𝗮 𝗞𝘂𝘄𝗮𝗶𝘁.

Ayon kay Magsino, walang salita ang maaaring tumumbas o humigit sa hinagpis na nararamdaman ng OFW Party List Group bunsod ng pagkamatay ng tatlong OFWs dahil sa sunog sa isang “heavily populated” residential building sa Mangaf, Kuwait habang kasakukuyang nasa kritikal na kondisyon ang dalawa pang OFWs.

Optimistiko naman si Magsino na magkakaroon ng mabilisang aksiyon ang gobyerno sa pamamagitan ng Department of Migrant Workers (DMW), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Department of Foreign Affairs (DFA) kabilang na ang Embahada ng Pilipinas sa Kuwait para sa pagbibigay ng nararapat na tulong para sa mga nasawing OFWs lalo na para sa kanilang pamilya.

Sabi ni Magsino, kinakailangan ng tulong medikal para sa mga nasa kritikal na kondisyon at ang pagbibigay narin ng pansamantalang matitirhan para sa mga naging biktima ng sunog.

“Ang kalinga ng ating pamahalaan ay dapat agarang madama ng ating mga OFWs sa ganitong mga pangyayari. Kaya’t tayo’y umaasa sa mabilisang aksiyon at tulong mula sa ating Embahada sa Kuwait, DMW at OWWA. Lalo na sa pagbibigay ng tulong para sa pamilya ng mga punanaw na OFWs sa pamamagitan ng tulong medikal sa mga nasa kritikal na kondisyon at sa pansamantalang matitirhan ng mga kababayan nating biktima ng naging sunog,” ayon kay Magsino.

Nananawagan din ang kongresista sa pamahalaan para sa mas masusing paggabay sa mga Embahada ng Pilipinas, Konsulado at Migrant Workers Offices upang masiguro na ang kanilang tinitirhan o napiling bahay ay sumailalim sa nararapat na “safety checks” para maiwasan ang kahalintulad na insidente sa Kuwait.

“Nanawagan din tayo na kailangan ng masusing paggbay mula sa ating mga Embahada at Konsulado para matulungan ang ating mga OFWs naasiguro na ligtas o safe ang kanilang tinutuluyan para maiwasan na ang sunog na nangyari sa Kuwait. Kailangan masiguro na ito ay dumaan sa safety checks,” dagdag pa ni Magsino.

Tiniyak din ni Magsino na bukas at nakahanda ang OFW Party List Group na magpaabot ng ano mang tulong na kakailanganin ng mga apektadong OFWs sa Kuwait kasama na ang pagkakaloob ng tulong para sa kanilang mga pamilya.

“Ating balutin ng dasal ang mga naging biktima ng pangyayari at ipanalangin natin ang patuloy na kaligtasan ng mga kabanayan natin na nagtatrabaho sa ibayong dagat,” pagtatapos ng mambabatas.