OFW

Magsino napaabot ng pakikiramay sa  pamilya ng nasawing Pinoy seafarers 

Mar Rodriguez Mar 8, 2024
118 Views
NAGPAABOT ng marubdob at taos puong pakikiramay si OFW Party List Cong. Marissa “Del Mar” P. Magsino sa pamilya ng nasawing dalawang Pilipinong seafarers o tripulante habang sakay ng kanilang barkong matapos silang madamay sa nangyaring missile attack ng mga Houthi rebels sa Gulf of Aden.
Dahil dito, muling iginiit ni Magsino na ipinapakita lamang ng naganap na trahedya na napakalaking panganib ang kasalukuyang kinakaharap ng mga Filipino seafarer para lamang matulungan ang kani-kanilang pamilya na mabigyan ng maginhawa at komportableng pamumuhay.
Sinabi ni Magsino na panahon na para maipasa ng Kamara de Representantes ang Magna Carta for Filipino Seafarers upang mapangalagaan ang kapakanan ng mga tripulante sa mga pagkakataong nahaharap sila sa krisis katulad ng sinapit ng dalawang nasawing Filipino seafarers.
Binigyang diin ni Magsino na nais lamang nitong masiguro na na ligtas at maayos ang lugar na pagta-trabahuhan ng mga Pilipinong tripulante at higit sa lahat ay sumusunod ang kanilang employer sa pamantayan ng kaligtasan kabilang na dito ang pananagutan ng ship owners sakaling may kapabayaan.
Kasabay nito, nananawagan din ang OFW Lady solon sa United Nation (UN) partikular na sa Security Council para mamagitan patungkol sa pagbibigay ng seguridad sa mga barko na naglalayag sa mga delikadong rut ana maaaring ikapahamak ng mga crew ng barko katulad ng nangyari sa Gulf of Aden.
“Ikinalulungkot natin ang pagkasawi ng ating dalawang Pilipinong seafarers dahil sa nangyaring missile attack. Nakikiramay tayo sa kanilang naiwang pamilya, ipinagdarasal din natin ang iba pang Filipino crew members ng barko na “True Confidence” na nadamay sa atake,” sabi ni Magsino.
Samantala, hinihikayat din ni Magsino ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na lumahok sa demokratikong proseso sa pamamagitan ng pagpaparehistro nila para sa 2025 mid-term elections.