Calendar
Magsino, optimistiko na mapapasama sa ikalawang SONA ni PBBM mga polisiya para sa OFWs
OPTIMISTIKO si OFW Party List Cong. Marissa “Del Mar” P. Magsino na mapapasama sa ikalawang State of Nation Address (SONA) ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. ang paglalatag nito ng mga polisiya at programa para sa kapakanan ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs).
Sa panayam ng People’s Taliba, sinabi ni Magsino na sa nalalapit na SONA ng Pangulong Marcos, Jr. nais nitong marinig mula sa kaniya ang patuloy na pagpapahalaga ng gobyerno sa mga OFWs sa pamamagitan ng mga polisiya at programang ipatutupad nito.
Ayon kay Magsino, nais din nitong matutukan ng pamahalaan ang “reintegration programs at livelihood assistance” para sa mga balikbayang OFWs o yung mga overseas workers na nagdesisyon ng manatili sa Pilipinas at wala ng balak pang magbalik sa ibang bansa para mag-trabaho.
Ipinaliwanag pa ni Magsino na umaasa siyang mababanggit din ni Pangulong Marcos, Jr. sa kaniyang mensahe o talumpati ang tungkol sa internet voting para sa mga OFWs para maipa-alam nito sa mga overseas workers na nasa abroad ang pagboto nila sa pamamagitan ng internet.
Bukod dito, hangad din ng OFW Party List Lady solon na mabigyang diin ng Pangulo sa kaniyang SONA ang issue tungkol naman sa Magna Carta for Seafarers na maituturing na isang landmark legislation na naglalayong mabigyan ng karampatang proteksiyon ang mga Pilipinong tripulante.
“Nais natin na marinig mula sa ating Pangulo ang patuloy na pagpapahalaga ng pamahalaan para sa ating mga OFWs kaugnay sa kanilang mga polisiya at programa. Lalo na ang budget para sa mga ahensiya ng pamahalaan na nangangalaga sa kapakanan ng mga OFWs,” sabi ni Magsino sa panayam ng People’s Taliba.
Sinabi pa ni Magsino na bilang isang policy pronouncement ng gobyerno. Dapat ay maisama sa mandato ng lahat ng government agencies ang pagkakaroon ng angkop na programa para sa mga OFWs.