Magsino1

Magsino patuloy na nakatutok sa kalagayan ng mga Filipino seafarers

Mar Rodriguez Mar 20, 2025
16 Views

MagsinoNAKATUTOK si OFW Party List Rep. Marissa “Del Mar” P. Magsino sa kalagayan ng mga Filipino seafarers kaya nagsagawa ito ng isang salo-salo kasunod ang pakikipag-diyalogo sa mga Pinoy seaman kasama na ang mga manning agencies.

Sabi ni Magsino na layunin ng ginanap na pagtitipon na lalo pang pagtibayin ang kaniyang adhikain para maprotektahan ang mga Pilipinong Marino.

Bukod dito, nais din ng kongresista na palakasin ang ugnayan sa pagitan ng OFW Party List at Filipino seafarers upang alamin ang kanilang kalagayan at sitwasyon sa kani-kanilang mga trabaho.

Paliwanag ni Magsino na nais nitong personal na alamin ang kalagayan ng mga naturang seafarers para makapagbalangkas o makagawa siya ng mga inisyatiba na magbibigay ng proteksiyon at suporta para sa mga Pilipinong Marino.

Ayon kay Magsino, kabilang dito ang mga hakbang upang matiyak ang maayos na kondisyon ng mga Pilipinong Marino na batay sa itinatakda ng Republic Act No. 12021 o ang Magna Carta of Filipino Seafarers.

Si Magsino ang pangunahing may akda ng RA No. 12021 kung saan ipinahayag ng kongresista na pinagsunugan umano nito ng kilay ang pagtutok sa nasabing batas para maprotektahan ang mga Filipino Seafarers.