Magsino

Magsino pinuri si Speaker Romualdez

Mar Rodriguez Oct 23, 2023
172 Views

PINAPURIHAN ni OFW Party List. Cong. Marissa “Del Mar” P. Magsino si House Speaker Ferdinand Martin Gomez Romualdez matapos nitong atasan ang House Committee on Overseas Workers Affairs na talakayin nito ang panukalang batas na magbibigay ng benepisyo para sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs).

Nabatid kay Magsino na magsasagawa ng public consultation at pagdinig ang Komite upang pag-usapan at talakayin ang mga nakahaing panukalang batas na susuporta sa mga program ani President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na mangangalaga sa kapakanan at interes ng mga OFWs.

Sinabi ni Magsino na mismong si Speaker Romualdez ang nagbigay ng direktiba sa Committee on Overseas Workers Affairs para ipagpatuloy nito ang kanilang trabaho kahit walang session sa Kamara de Representantes para talakayin ang mga panukalang batas para sa mga OFWs.

Ayon kay Magsino, malaki ang kaniyang pagpapasalamat kay Speaker Romualdez dahil sa ipinapakita nitong malasakit at pagmamahal para sa mga OFWs sa pamamagitan ng pagbibigay halaga sa kanila upang agad na maisabatas ang mga panukala para sa kapakanan ng mga OFWs.

Kasabay nito, mariing kinondina naman ni Magsino ang brutal na pagpatay sa OFW na si Mary Grace Santos sa bansang Jordan na kinasangkutan ng isang di-umano’y menor de edad na suspek.

Binigyang diin ng OFW Party List Lady solon na ang nasabing karumal-dumal na krimen ay muling nagmumulat at nagsisilbing “eye opener” patungkol sa mapait na kapalarang sinasapit ng libo-libong OFWs na nagta-trabaho sa iba’t-ibang panig ng mundo na nahaharap sa kapahamakan.

“Ang OFW Party List ay nakikidalamhati sa pamilya ni Mary Grace. Ngunit batid natin na hindi tuluyang maiibsan ng simpleng pakikiramay ang dinanas ni Marty Grace at ang pighating nararamdaman ng kaniyang pamilya. Kaya’t ito’y matinding hamon sa ating pamahalaan na gumawa ng isang konkreto at komprehensibong solusyon sa paulit-ulit na problemang ito,” ayon kay Magsino.