Magsino1

Magsino reresolbahin na problema sa isyu ng mga abandonadong balikbayan boxes

Mar Rodriguez Oct 24, 2024
178 Views

MagsinoMagsino2Magsino3Magsino4PINAGTIBAY ni OFW Party List Rep. Marissa “Del Mar” P. Magsino ang kaniyang commitment upang resolbahin sa lalong madaling panahon ang malaon ng problema sa usapin ng mga naka-tengga at abandonadong libo-libong balikbayan boxes na ipinapadala ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Pilipinas para matanggap ng kanilang mga pamilya.

Ito ang tiniyak ni Magsino na sisikapin nitong makagawa ng kaukulang paraan at aksiyon para tuluyan ng wakasan at resolbahin ang napakatagal ng suliranin ng libo-libong OFWs sa abroad kung saan hindi nakakarating sa kani-kanilang pamilya ang mga ipinapadala nilang balikbayan boxes dito sa bansa.

Nabatid kay Magsino na kailangan ng aksiyunan ang naturang problema sa harap ng nalalapit na Kapaskuhan sapagkat tiyak na muli na naman dadagsa ang napakaraming balikbayan boxes na ipapadala ng mga OFWs para sa kanilang pamilya na inaasahang maglalaman ito ng mga pamaskong regalo at iba pang Christmas items.

Ayon sa OFW lady solon, agad nitong isusulong ang mga nararapat na resolusyon upang hindi na maulit ang nasabing problema partikular na sa papalapit na Kapaskuhan o Holliday Season dahil sa kasalukuyan ay nakatengga at abandonado ang tinatayang nasa 14,000 kahon (balikbayan boxes) sa mga ports sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.

Sabi pa ni Magsino na kinumpirma naman ng Bureau of Customs (BOC) na mayroong 11,708 mula sa 14,000 abandonadong balikbayan boxes sa Port of Cebu, Port of Batangas, Zamboanga at NAIA ang naipalabas na subalit mayroon pa aniyang natitirang 4,000 balikbayan boxes ang nakatengga parin sa mga government storage. Kung saan, ang usapin ng logistics at legal hurdles ang pangunahing dahilan kung bakit hindi pa mai-release ang mga nasabing kahon.

“Kailangan na talagang mai-release agad ang mga balikbayan boxes na ito dahil nalalapit na ang panahon ng Kapaskuhan at matagal na itong inaantay ng pamilya ng mga OFWs. Ang mga balikbayan boxes na ito ay pinaghirapan ng ating mga kababayan. Dugo at pawis ang kanilang naging puhunan para dito,” sabi ni Magsino.

Kasabay nito, pinangunahan ni Magsino ang pamamahagi ng ayuda para sa tinatayang 1,400 benepisyaryo mula sa hanay ng mga OFWs kasama na dito ang kanilang mga pamilya sa pamamagitan ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) na ginanap sa OFW Tulong at Serbisyo Center, Ayala Malls Manila Bay, kung saan, ang bawat benepisyaryo ay nakatanggap ng P3,5000.

Ayon kay Magsino, napapanahon o timing ang naging pamamahagi nito ng tulong sa gitna ng kasalukuyang pananalanta ng bagyong Kristine sa iba’t-ibang bahagi ng bansa dahil magagamit ang matatanggap nilang ayuda para makabili ng kanilang mga pangangailangan kaagapay ang Department of Social Welfare and Development (DSWD).