Calendar

Magsino tiniyak patuloy na suporta para sa pamilya ni Mary Jane Veloso
MULING tiniyak ni OFW Party List Rep. Marissa “Del Mar” P. Magsino ang kaniyang buong suporta para sa pamilya ni Mary Jane Veloso matapos nitong personal na bisitahin ang mga kaanak ng dating Overseas Filipino Woker (OFW) sa Nueva Ecija.
Personal na ipinaabot ni Magsino sa pamilya Veloso ang kaniyang patuloy na suporta hindi lamang kay Mary Jane. Bagkos, para sa lahat ng mga katulad nitong OFWs na biktima ng pagmamaltrato, pang-aabuso at iba pang uri ng kalupitan sa ibayong dagat.
Sa kaniyang pagbisita sa tahanan ng mga Veloso sa Nueva Ecija, nakausap ni Magsino ang tatay at nanay ni Mary Jane na sina Cesar at Cecilia. Gayundin ang kapatid nitong si Marites Veloso-Laurente kung saan kinamusta ng mambabatas ang kanilang kalagayan.
Magugunitang muling nakabalik ng Pilipinas si Mary Jane Veloso matapos ang halos labing-limang taong pagkakakulong nito sa Indonesia. Ang kaniyang paglaya ay bunga naman ng matagalang dimplomatikong pag-uusap sa pagitan ng Pilipinas at Indoensia.
Sabi ng OFW Lady solon na pinagtibay nito ang kaniyang commitment na ipagpapatuloy nito ang kaniyang pakikipag-ugnayan sa pamilya Veloso upang mapabuti ang kanilang buhay. Kasabay ng kaniyang pangako na patuloy na isusulong nito ang mga konkretong hakbang para mabigyan ng poteksiyon ang mga OFWs.
“Ang kuwento ni Mary Jane ay sumasalamin sa laban ng bawat OFW at kanilang pamilya. Sila’y nagiging biktima ng pang-aabuso at pagsasamantala sa ibang bansa, kaya ang ating commitment ay patuloy nating ipaglalaban ang ating mga OFWs,” wika ni Magsino.
Muling binigyang diin ni Magsino ang kaniyang paninindigan na sisikapin nitong isulong ang mga mahahalagang panukalang batas sa Kamara de Representantes na magbibigay ng karampatang proteksiyon sa mga OFWs na dumaranas ng pagmamalabis sa ibang bansa.