Estudyante

Mahigit 100 estudyante nakalanghap ng nakakalasong kemikal, naospital

404 Views

MAHIGIT sa 100 na estudyante ng Pis-anan National High School at Pis-anan Central Elementary School ang isinugod sa pagamutan makaraang makalanghap ng nakalalasong kemikal sa Sibalom, Antique nitong Miyerkules ng umaga.

Batay sa ulat ng Municipal Disaster Risk Reduction ang Management Office (MDRRMO) ng Sibalom, dakong 7:00 ng umaga ay nagsimula nang makalanghap ng masangsang na amoy ang mga estudiyante.

Ilang minuto pa ang nakalipas ay nakaranas na ang mga ito ng pagkahilo, pagsusuka, nahirapang huminga at ang ilan ay nawalan ng malay kaya’t nagdesisyon ang pamunuan ng mga paaralan na suspendihin ang klase.

Ayon kay Teacher Romeo Villarosa, sa una ay iilang estudiyante lamang ang nahilo hanggang sa parami ng parami ang mga ito.

Agad namang rumisponde ang mga tauhan ng Barangay Emergency Response at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office o MDRRMO para madala sa pagamutan ang mga biktima.

“Karamihan sa mga estudiyante ay dinala sa Ramon Maza Sr. Memorial District Hospital at Angel Salazar Memorial General Hospital,” ayon kay Villarosa.

Dahil sa dami ng mga naapektuhang estudiyante ay nagpadala na rin ng tent ang Office of the Mayor sa labas ng mga pagamutan para sa mga pasyenteng hindi kayang papasukin sa loob ng hospital.

Sa ngayon, inaalam pa ng mga awtoridad kung saan nagmula ang nalanghap na kemikal at kung anong uri ito.

Nagsasagawa na rin ng pagsusuri ang mga esperto sa lugar upang matiyak ang kaligtasan ng mga natitirang estudiyante at guro sa paaralan.