Relief

MAHIGIT 21,000 PULIS, ITINALAGA NG PNP SA PAGTUGON SA SUPER TYPHOON “UWAN”

Alfred Dalizon Nov 10, 2025
400 Views

ANG Philippine National Police (PNP), sa pamumuno ni Acting Chief PNP, Lieutenant General Jose Melencio C. Nartatez Jr., ay nagdeploy na ng kabuuang 21,682 na pulis sa buong bansa upang tumulong sa mga operasyon ng disaster preparedness, rescue, at relief sa mga lugar na matinding naapektuhan ng Super Typhoon “Uwan.”

Batay sa kanilang ulat, nagpadala rin ang PNP ng 16,628 miyembro ng Reactionary Standby Support Force (RSSF) at 1,566 na sasakyan upang suportahan ang mga operasyon sa evacuation, clearing, at humanitarian assistance, partikular sa mga rehiyon ng Region 2, 4A, 4B, 5, at 8 na lubhang tinamaan ng bagyo.

Sa kasalukuyan, mayroong 28,008 evacuation centers, kung saan 9,853 ang okupado at nagsisilbing pansamantalang tuluyan ng 443,073 pamilya o 1,416,063 indibidwal. Nagsagawa na rin ang mga yunit ng PNP ng 62 search, rescue, and retrieval (SRR) operations na nagresulta sa pagliligtas ng 10,112 katao mula sa mga mapanganib na sitwasyon.

Patuloy ang malawakang koordinasyon ng PNP sa Department of the Interior and Local Government mga local government units at iba pang ahensya upang matiyak ang maagap at organisadong pagtugon sa mga pangangailangan ng mga apektadong mamamayan.

Dulot ng Super Typhoon “Uwan,” 71 biyahe ng eroplano ang nakansela, 176 barko at maliliit na sasakyang pandagat ang stranded, at 7,868 pasahero ang hindi pa makabiyahe. Gayundin, 2,977 kalsada at 35 tulay ang hindi pa madaanan dahil sa pagbaha at mga debris, habang 3,258 linya ng kuryente ang naapektuhan.

Kabuuang 209 barangay ang tinamaan ng bagyo. Naiulat din ang pinsala sa 24 na istasyon ng pulis (sa PRO2, PRO5, PRO6, at PRO8), 2 headquarters (PRO5), at 2 sasakyan ng PNP. Mayroon ding 28 tauhan ng PNP na naapektuhan—27 uniformed personnel at 1 non-uniformed personnel.

Sa kabila nito, pinuri ni Lt. Gen. Nartatez ang lahat ng pulis na patuloy na nagsasagawa ng tungkulin sa kabila ng panganib.

“Ang ating mga kapulisan ay patuloy na kumikilos upang masiguro ang kaligtasan at kapakanan ng ating mga kababayan. Sa gitna ng kalamidad, hindi nag-aatubili ang PNP na tumugon sa tawag ng tungkulin,” ayon sa pinuno ng Pambansang Pulisya.

Dagdag pa niya, mananatiling nakikipag-ugnayan ang PNP sa mga lokal na pamahalaan upang matiyak ang mabilis na pagtugon at tulong sa mga apektadong komunidad.

“Patuloy ang ating malawakang koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan upang matiyak ang mabilis na aksyon sa pangangailangan ng ating mga kababayan sa gitna ng kalamidad,” ayon kay Lt. Gen. Nartatez.

Binigyang-diin naman ni PNP Spokesperson at Chief of the Public Information Office, Police Brigadier Gen. Randulf T. Tuaño, ang kahalagahan ng pagkakaisa ng mga ahensya at komunidad sa harap ng kalamidad.

“Sa ganitong panahon, tunay na nasusubok ang pagkakaisa. Ang ating mga pulis ay nakikipagtulungan sa mga lokal na opisyal, volunteers, at iba pang ahensya upang maihatid ang tulong sa mga pinaka-apektado. Bawat kilos ng serbisyo, maliit man o malaki, ay patunay ng ating sama-samang layunin na protektahan ang buhay,” sinabi ng tagapagsalita ng PNP.

Nanawagan ang PNP sa publiko na manatiling alerto, sumunod sa mga abiso ng mga awtoridad, at makipagtulungan sa mga kinauukulan upang matiyak ang kaligtasan ng lahat habang patuloy ang epekto ng Super Typhoon “Uwan.”