Pope Source: Vatican News

Santo Papa nag-alay ng dasal para sa nasalanta ng Bagyong Tino

402 Views

MANILA – Nag-alay ng panalangin si Santo Papa Leo XIV para sa mga naapektuhan ng Bagyong Tino.

Sa kanyang mensahe habang isinasagawa ang pagdarasal ng Angelus sa St. Peter’s Square sa Vatican noong Linggo, sinabi ng Santo Papa na ipinagdarasal niya ang mga biktima ng kalamidad.

“I pray for the deceased and their families, as well as for the injured and displaced,” aniya.

Dagdag pa ng Santo Papa, kaisa siya ng mga Pilipino sa pagharap sa mga epekto ng naturang kalamidad.

“I express my closeness to the people of the Philippines, who have been hit by a violent typhoon,” sabi ng Santo Papa.

Noong nakaraang linggo, nanalasa ang Bagyong Tino sa Visayas at ilang bahagi ng Mindanao na nagdulot ng pagkasawi ng 224 katao, karamihan sa lalawigan ng Cebu. Naitala rin ang 526 sugatan at 109 na nawawala.

Umabot sa 946,660 pamilya o katumbas ng 3,330,315 indibidwal mula sa walong rehiyon sa Visayas at Mindanao ang naapektuhan ng bagyo.

Samantala, inilunsad ng Caritas Philippines ang isang pambansang panawagan para sa tulong sa mga biktima ng bagyo.

Sa isang post sa social media nitong weekend, hinikayat ng humanitarian arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang mga diyosesis na magpadala ng donasyon para sa pagtugon sa kalamidad.

“Thousands of families have lost their homes and livelihoods due to Typhoon Tino. Your kindness can help them rebuild their lives. Together, let us be a source of hope and healing,” pahayag nito.

Maaaring ipadala ang mga donasyon sa mga bank account ng Caritas Philippines (Account Name: CBCP Caritas Philippines Foundation Inc.) sa BPI (4951-007116 / 4951-007108); Metrobank (632-7-632028586); o BDO (004508034192).

Kasabay nito, nagsagawa ng paunang koordinasyon at pagtaya ang Caritas Philippines, katuwang ang Cebu Caritas Inc. at Caritas Germany, sa mga lugar sa Cebu na pinakamalubhang tinamaan ng bagyo.

Habang nagpapatuloy ang mga clearing at cleaning operation, gayundin ang search and retrieval efforts, sinabi ng grupo na kagyat nilang kinakailangan ang tubig para sa inumin at paglilinis, food packs, pangunahing gamit sa bahay, sleeping kits, materyales para sa pansamantalang tirahan, solar lights, lalagyan ng tubig, sanitation at hygiene kits, at gamot

“Let us continue to extend our solidarity and compassion to the families affected by Typhoon Tino. Together, through our collective efforts and generosity, we can help them rebuild their homes and bring hope in the midst of devastation,” dagdag ng Caritas Philippines. Philippine News Agency