RCY Ang volunteers ng Red Cross Youth (RCY) Negros Occidental–Bacolod City ay rumesponde agad sa crane operator na nakuryente habang nagaalis ng mga nabuwal na puno nitong Lunes sa gitna ng hagupit ng Bagyong Uwan. Nagsagawa ng CPR si Rizaldy Alunan Jr., CSR-RCY ng Negros Occidental-Bacolod City Chapter, kasama ang RCY volunteers.

Mga kuwentong kabayanihan umagos sa gitna ng Super Bagyong Uwan

568 Views

TUMULONG ang Philippine Red Cross (PRC) sa 201 pamilya o 684 katao na naapektuhan ng Bagyong Uwan sa Collat Elementary School Evacuation Center sa Barangay Collat, Masinloc, Zambales.

Nagbigay ito ng first aid services, kabilang ang wound care para sa dalawang indibidwal, habang ang health and welfare desk ay nag-asikaso sa 58 katao para sa blood pressure monitoring.

Patuloy na nakapuwesto ang PRC upang matiyak ang kalusugan, kaligtasan at kapakanan ng lahat ng evacuees, sinabi ng organisasyon.

Agad ding rumesponde ang Red Cross Youth Negros Occidental–Bacolod City volunteers sa isang emergency sa Bacolod, Negros Occidental, kung saan isang crane operator ang nakuryente habang inaalis ang mga nabuwal na puno nitong Lunes sa gitna ng hagupit ng Bagyong Uwan.

Ang kanilang mabilis na aksyon sa pagbibigay ng life-saving assistance ay sumasalamin sa tapang at dedikasyon ng volunteers na patuloy na naglilingkod kahit sa pinakamapanganib na sitwasyon.

Samantala, bandang alas-12:08 ng hatinggabi, nailigtas ng National Capital Region Command (NCRCOM) ng Armed Forces of the Philippines ang isang pamilya na may 10 miyembro sa Brgy. Sipac, Navotas City, na na-trap dahil sa matinding pagbaha dulot ng Bagyong Uwan.

Ang rescue team, na binubuo ng mga tauhan mula sa Combat Support and Search and Rescue (CSSR) Team, ay may kumpletong rescue gear at agad na tumugon sa distress call.

Ipinapakita ng rescue na ito ang tuloy-tuloy na presensiya ng NCRCOM sa panahon ng krisis ― handang protektahan at suportahan ang mga komunidad sa oras ng matinding pangangailangan.

2 katao na-rescue ng PCG

Nailigtas ng Coast Guard Sub-Station (CGSS) Caluya, sa pakikipagtulungan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) Caluya, ang dalawang indibidwal na sakay ng isang motorbanca na nagkaaberya sa makina sa karagatang sakop ng Brgy. Dawis, Caluya, Antique, noong Nobyembre 8.

Batay sa ulat, patungo sana ang motorbanca sa Brgy. Semirara, Caluya, nang makaranas ito ng malalakas na hangin at malalaking alon na nagdulot ng pagkasira ng makina.

Agad nagsagawa ng rescue operation ang mga tauhan ng CGSS Caluya at MDRRMO Caluya sakay ng Caluya Rescue Boat.

Matapos mailigtas, dinala ang mga pasahero sa Sitio Guibuangan, Brgy. Poblacion, at kalaunan ay inihatid sa kanilang tirahan nang nasa maayos na kondisyon.

Nagpaalala ang CGSS sa lahat ng mangingisda at operator ng maliliit na bangka na patuloy na mag-monitor ng weather updates at tiyakin ang seaworthiness ng kanilang mga sasakyang pandagat bago pumalaot.