Fuel

Mga kompanya ng langis magtataas presyo muli sa produktong petrolyo

Edd Reyes Nov 10, 2025
698 Views

MAGPAPATUPAD muli ng dagdag-presyo sa mga produktong petrolyo ang mga kompanya ng langis simula Martes ng umaga.

Sa magkakahiwalay na abiso ng PTT Philippines, Total Philippines, PetroGazz, at Unioil, P1.00 kada litro ang dagdag presyo sa diesel habang P0.50 sentimos kada litro ng gasolina epektibo alas-6:01 ng Martes ng umaga habang alas-4:01 naman ng hapon ang Clean Fuel.

Ganito rin ang halagang idadagdag ng mga kompanyang Petron Corporation, Pilipinas Shell, Chevron Philippines, Seaoil Philippines, at Flying V sa kanilang diesel at gasolina habang P0.90 sentimos kada litro naman sa kerosina alas-6:01 rin ng Martes ng umaga.

Ang panibagong dagdag presyo, ayon kay PTT Philippines Media Relation Officer Jay Julian ay bunga ng paggalaw ng halaga ng mga produktong petrolyo sa pandaigdigang pamilihan na nauna ng napaulat na bunsod ng walang tigil na pag-atake ng Ukraine sa Black Sea oil ports sa Russia.