Sandro

Majo Marcos: Hindi haharangin ng Kamara ang mga reklamong impeachment laban sa Pangulo

190 Views

SINABI noong Biyernes ni House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” A. Marcos ng Ilocos Norte na hindi haharangin ng Mababang Kapulungan ng Kongreso (House of Representatives) at maayos nitong aaksiyunan ang anumang reklamong impeachment na ihahain laban kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. o sa sinumang iba pang opisyal na maaaring ma-impeach.

Ayon kay Marcos, may tungkulin ang Kamara sa ilalim ng Saligang Batas na aksyunan ang anumang reklamong impeachment sa sandaling ito ay pormal na maisumite sa Office of the House Secretary General at maipasa sa Office of the Speaker, na siya namang magrerefer ng usapin sa Committee on Rules para maisama sa Order of Business at maiturn-over sa Committee on Justice.

“Tungkulin ng Kamara, sa ilalim ng Saligang Batas, na aksyunan ang anumang impeachment complaint na ihahain laban sa sinumang impeachable official,” pahayag ni Marcos.

Bilang Majority Leader, sinabi ni Marcos na responsibilidad ng plenaryo na i-refer ang anumang reklamong impeachment sa House Committee on Justice matapos itong maisama sa Calendar of Business at mabasa sa plenaryo.

“May constitutional duty ang Kongreso na i-refer ang impeachment complaint sa House Committee on Justice sa sandaling ito ay mailagay sa Order of Business at mabasa sa plenaryo,” aniya.

Binigyang-diin ni Marcos na dapat dinggin at isaalang-alang ng Kamara ang anumang reklamong impeachment, kahit pa ito ay laban sa kanyang sariling ama.

“Dapat dinggin ng Kamara ang anumang isasampang impeachment complaint, kahit pa ito ay laban sa aking ama,” dagdag niya.

Ipinunto rin niya na ang impeachment ay isang prosesong itinatakda ng Saligang Batas na pinamamahalaan ng mga alituntunin at due process, at inaasahang kikilos ang Kamara nang walang kinikilingan at alinsunod sa mga itinakdang pamamaraan.