Calendar
Malabon may libreng sakay sa 3 araw na tigil pasada
NAG-alok ng libreng sakay sa Malabon upang tulungan ang mga pasaherong hindi makakasakay papunta at pabalik sa destinasyon sa tatlong araw na tigil-pasada ng grupo ng transportasyon na nagsimula noong Lunes.
Sinabi ni Mayor Jeannie Sandoval na prayoridad nila ang kapakanan ng mga Malabueño.
Gusto din nila matiyak na makakarating sila sa paroroonan at makauwi ng maayos at ligtas kaya’t inatasan ang the Public Safety and Traffic Management Office (PSTMO) na pangunahan ang pagde -deploy ng mga sasakyan para sa tigil-pasada.
Kabilang din sa mga inatasang mag-deploy ng mga sasakyan ang General Services Department (DSD) habang ang Malabon City Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ay naghanda rin ng isang trak na madaling masakyan ng pasahero.
Ilan naman sa mga lugar na minomonitor ni PSTMO chief Reynaldo Medina, Jr. na maaapektuhan ng tigil-pasada ang mga lansangan malapit sa Malabon City Hall, Hulong Duhat, Concepcion, Acacia-Palengke, Panghulo-Tatawid, Catmon-Francis, Potrero-Del Monte at C-4 Road/Letre.
Ayon kay Mayor Sandoval, nakipag-ugnayan din sila sa Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at mga barangay upang palakasin ang pagmo-monitor, seguridad, pagtugon sa pangangailangan at pagpapalaganap ng impormasyon sa loob ng tatlong araw na tigil-pasada.
Pinangatawanan ng grupo ng transportasyong naka-base sa Malabon ang hindi nila paglahok sa tatlong araw na tigil-pasada na ikinasa ng grupong Manibela.

