Calendar
Police units inatasang paigtingin info drive sa responsableng pagmamay-ari ng baril
INATASAN ni National Capital Region Police Office Acting Director P/BGen. Christopher Abrahano ang lahat ng police offices/units sa Metro Manila na paigtingin ang kampanya sa pagbibigay ng impormasyon hinggil sa responsableng pagmamay-ari at ligtas na pag-iingat ng baril.
Inilabas ni Abrahano ang kautusan alinsunod sa direktiba ni Philippine National Police Chief P/Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na layong hindi mapasakamay ng mga hindi awtorisadong indibidwal ang baril, lalo ng ng mga menor-de-edad na estudyante.
“We will emphasize that firearm ownership comes with a serious responsibility. Licensed firearm owners must ensure that their firearms and ammunition are properly secured and inaccessible to children and other unauthorized persons,” pahayag ni PBGen. Abrahano.
Binigyang-diin niya na mahalaga rin ang papel ng mga magulang at guardian sa pagtuturo sa mga menor-de-edad tungkol sa panganib na dulot ng mga baril at sa pagre-report ng mga sitwasyon kung saan maaaring magkaroon ng access ang isang bata sa baril.
Palalakasin din ng mga pulis ang pakikipag-ugnayan sa mga opisyal ng barangay, paaralan, community organization at mga kinauukulang units ng PNP upang matiyak na makararating hanggang sa mga komunidad ang impormasyon tungkol sa pag-iingat ng baril, legal na pagmamay-ari at mga paraan ng pagre-report.
Hindi dapat na hintayin munang magkaroon ng trahedya bago kumilos dahil dapat ay maging maagap ang kapulisan sa pagpapalaganap ng impormasyon upang hindi na mapasakamay pa ng taong may masamang balak ang mga baril.
Nakatuon ang NCRPO sa pakikipagtulungan sa publiko ngunit sinabi niyang kailangan ng pulisya ang kooperasyon ng bawat isa.

