Jehocah

Malaking kumbensyon hatid ng Saksi ni Jehovah

Jun I Legaspi May 19, 2026
21 Views

INIIMBITAHAN ng mga Saksi ni Jehova ang mga tao na dumalo sa pambuong-daigdig na serye ng kombensyon nila na may temang “Walang-Hanggang Kaligayahan.”

Ang Mga Saksi ang isa sa pinakamalaking organizer ng non-profit na mga kombensyon sa mundo.

Sa taong ito, babalik ulit sila sa Metro Manila Assembly Hall of Jehovah’s Witnesses sa Quezon City para sa libre at tatlong-araw na programa kung saan tatalakayin kung paano makakatulong ang pananampalataya at pagsunod sa mga praktikal na prinsipyo sa Bibliya para maging masaya tayo magpakailanman.

“Sino ba ang ayaw maging masaya?” tanong ni James Morales, national spokesman para sa Mga Saksi ni Jehova.

“Tinatalakay ng tema ng kombensyon sa taong ito kung paano tayo magiging masaya at mananatiling masaya.

Malalaman ng lahat ng dadalo kung ano ang tunay na kaligayahan na nagmumula sa pagkakaroon ng matibay na pag-asa para sa hinaharap,” ayon pa sa spokesman.

Ang event na ito, na tamang-tama sa panahon natin, ay dadaluhan ng mahigit 500,000 mula sa iba’t ibang lokasyon sa bansa sa loob ng 15 weekends simula Hunyo 5-7, 2026.

“Kilala ang mga Filipino sa pagiging matatag. Pero sa hirap ng buhay ngayon, hindi na madaling maging laging matatag,” ayon kay Morales.

Dahil naka-focus ang kombensyong ito sa pagiging masaya talagang makakatulong ito sa atin, ipinapaalala nito sa atin kung paano natin mae-enjoy ang buhay at patuloy na manampalataya sa Diyos, kahit sa mahihirap na panahon, ayon sa kanya.

Ihaharap din ang programa sa 19 na internasyonal na kombensyon sa buong taon.

Gaganapin ang malaking event sa Portugal, South Africa, at Pilipinas at libu-libong delegado mula sa iba’t ibang lugar ang dadalo.

Bukod sa mga Bible-based na video at interview, magkakaroon din ng mga pahayag sa “Walang Hanggang Kaligayahan” na kombensyon na may mga paksang gaya ng:

• Nag-uumapaw at Walang-Hanggang Kaligayahan. Posible Ba Ito?

• Bakit Kayo Nag-aalala?

• Natagpuan Mo Na Ba ang Kayamanan?

Ang pinaka-aabangang Episode 4, 5 at 6 ng “Ang Mabuting Balita Ayon kay Jesus” ay ilalabas sa bawat araw ng kombensyon.

Makikita sa video series na ito, na may 18 episode, ang naging buhay at ministeryo ni Jesukristo batay sa mga ulat ng Ebanghelyo.

Inilabas ang Episode 1 noong kombensyon ng 2024 at ang Episode 2 at 3 noong 2025. May bautismo rin sa programa ng Sabado.

Noong 2025, nag-host ang Mga Saksi ni Jehova ng mahigit 6,000 kombensyon na may temang “Dalisay na Pagsamba” sa mahigit 500 wika.

Kasama rito ang 19 na iternasyonal na kombensyon na ginanap sa 13 bansa.

Mahigit 12 milyon ang dumalo. Para malaman ang iba pang detalye tungkol sa “Walang Hanggang Kaligayahan” na kombensyon at para makahanap ng lokasyong malapit sa iyo, magpunta sa jw.org > Tungkol sa amin > Kombensiyon.

Walang koleksyon na hinihingi rito.