Calendar
Maling interpretasyon ng Parents Welfare Act kumakalat
NILINAW ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson noong Miyerkules ang mga kumakalat na maling interpretasyon at akusasyon tungkol sa kanyang panukalang Senate Bill 396, o ang “Parents Welfare Act of 2025.”
Hindi naglalayong pilitin ang mga anak na suportahan ang mga magulang na naging mapanakit, nagkulang o lumayas sa kanilang tungkulin bilang magulang.
“Abuse, abandonment or neglect by parents of their children are exempting circumstances,” paliwanag ni Lacson.
Layunin ng panukala na magbigay ng legal na suporta para sa mga matatandang hindi na kayang suportahan ang kanilang sarili, kabilang na ang mga may malubhang karamdaman o permanenteng kapansanan.
Ngunit binigyang-diin ni Lacson na malinaw ang panukala sa pagprotekta sa mga anak laban sa hindi makatarungang obligasyon.
Ayon sa Section 16 ng panukala, maaaring tanggihan ng korte ang petisyon ng isang magulang para sa suporta, o bawasan ang halaga nito, kung may ebidensyang siya’y naging abusado o pabaya.
Sa kabilang banda, isinasaad din sa panukala na hindi obligadong magbigay ng suporta ang isang anak na walang sapat na kakayahang pinansyal.
Ipinaliwanag ni Lacson na ang kanyang panukala ay nakabatay sa Article 195 ng Family Code, na nagsasaad ng mutual na tungkulin ng mga miyembro ng pamilya na suportahan ang isa’t isa.
Sinang-ayunan din nito ang mga umiiral na batas tulad ng Republic Act 9262 o ang Violence Against Women and Children (VAWC) Law.
Nilinaw ng senador na may kasamang institutional support ang panukala. Nakasaad dito ang pagtatatag ng mga government-run “Old Age Homes” sa bawat lalawigan at highly urbanized city na kayang tumanggap ng hindi bababa sa 50 matatandang magulang.
“Taking care of the elderly members of society is a shared responsibility of government and the children of said elderly,” ani Lacson.
Binigyang-diin ni Lacson na layunin ng Parents Welfare Act ang makatarungang balanse sa pagitan ng habag at hustisya—upang matulungan ang mga magulang na nagtaguyod sa kanilang mga anak, habang pinoprotektahan din ang mga anak laban sa sapilitang pagtugon sa mga magulang na lumabag sa kanilang tungkulin.

