Calendar
Ang mga miyembro ng Quad Committee noong 19th Kongreso
Trabaho ng Quad Comm di pa tapos, version 2.0 kailangan
SUPORTADO ni La Union 1st District Rep. Paolo Ortega V ang pagbabalik ng Quad Committee ng Kamara de Representantes sa 20th Congress upang maituloy ang mga hindi natapos na imbestigasyon at matugunan ang mga bagong isyu tungkol sa seguridad at karapatang pantao.
“Kailangan talaga ‘yung Quad Comm 2.0 kasi ang daming issues na naglalabasan. Alam naman natin ‘yung efficiency ng joint committees na ‘yan,” ani Ortega sa isang press conference.
Ang Quad Committee ay binubuo ng apat na komite: Dangerous Drugs, Public Order and Safety, Human Rights, at Public Accounts.
Sa nakaraang Kongreso, nagsagawa ito ng 15 pagdinig tungkol sa mga isyu gaya ng illegal POGOs, droga, umano’y pang-aagaw ng lupa ng ilang dayuhan, at mga extra-judicial killings na may kaugnayan sa kampanya laban sa droga ng nakaraang administrasyon.
Isa sa mga pangunahing panauhin sa mga pagdinig ng Quad Committee ay si dating Pangulong Rodrigo Duterte, kung saan malaki ang naging interes ng publiko sa mga pagdinig, at marami ang sumubaybay sa mga ibinunyag na impormasyon.
“Marami pa tayong unfinished business. Marami tayong kailangang balikan. At siyempre ang mga Quad bills at measures na kailangan ding i-refile ulit,” ani Ortega.
Dahil sa trabaho ng Quad Comm, ilang panukalang batas ang naisumite tulad ng pagbawal sa POGOs, pagbibigay ng parusang mabigat sa EJK, at pagpapalakas ng pagtutulungan ng mga ahensya sa imbestigasyon sa human rights violations.
Una na ring sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, na posibleng may kaugnayan sa EJK ang pagkawala ng ilang sabungero—isang pahiwatig na dapat nang buhayin muli ang Quad Comm.
“‘Pag maraming concerns, maraming problema, the best way to solve this is through legislation, through the convening of the different committees concerned,” sabi ni Ortega.
Dagdag pa niya, naging daan din ang Quad Comm sa pag-usbong ng mga kabataang lider sa Kamara at sa pagtaas ng tiwala ng publiko sa Kongreso.
“Part of the success of the House is the evolution of the Quad. Nakita natin maraming umusbong, umusbong dito ang mga Young Guns, nakita natin ang mga leaders ng House,” ani Ortega.
Kinumpirma rin ni Manila 6th District Rep. Benny Abante Jr., isa sa mga dating co-chair ng Quad Comm, ang plano na buuin muli ang grupo.
“Sinimulan namin ng 19th Congress. Marami na kami napag-usapan, marami nang tinalakay. At naniniwala akong hindi pa tapos,” sabi ni Abante.
Para kay Ortega, ang pagbabalik ng Quad Comm ay magiging isa sa mga unang hakbang ng 20th Congress.
“Talagang it will be the first leg ng 20th Congress. Madami siguro ang mangyayari,” ayon sa mambabatas.
“Abangan natin ang 20th Congress. Pero I’m sure kasama tayo doon kung anuman ‘yun,” dagdag pa no Ortega.

