Calendar
Mamamayan ng Laguna sumuporta sa gobernador
SUPORTADO ng mga taga-Laguna si Gov. Sol Aragones sa gitna ng mga batikos at umano’y usaping pampulitika na kinakaharap nito.
Sa mga komento online, may mga nagsasabing mas nais nilang makita ang patuloy na paghahatid ng konkretong serbisyo at programa kaysa sa palitan ng mga batikos sa larangan ng pulitika.
Kabilang sa mga serbisyong isinusulong ng Laguna sa ilalim ni Aragones ang mga programang pangkalusugan, medical at burial assistance, libreng serbisyong medikal at iba pang serbisyong inilalapit sa mga komunidad.
Samantala, kasunod ng pagsasampa ng reklamo sa Office of the Ombudsman laban kay Gov. Aragones at ilang provincial officials, sinabi ng gobernador na hinihintay ng kanyang tanggapan ang kopya ng reklamo upang masuri ito ng kanyang legal team at masagot sa tamang proseso at legal forum.
Iginiit din ng gobernador na hindi dapat maantala ang paghahatid ng serbisyo publiko habang hinaharap ang naturang usapin.
Ayon sa kampo ng gobernador, magsisilbi itong inspirasyon upang ipagpatuloy ang mga programang nakatuon sa kapakanan ng mga Lagunense, lalo na sa serbisyong pangkalusugan.
“Sa kabila ng mga hamon, patuloy ang serbisyo. Ang mahalaga ay manatiling nakatuon sa pangangailangan ng mga mamamayan at sa mga programang makatutulong sa kanilang pang-araw-araw na buhay,” sabi ni Aragones.
Hinihikayat niya ang publiko na pairalin ang responsableng pagpapahayag sa social media, suriin ang impormasyon mula sa mapagkakatiwalaang sanggunian at hintayin ang opisyal na dokumento at mga sagot ng mga kinauukulang panig sa mga usaping legal.

