Calendar
Intelligence basic course itinuro sa Pulis CALABARZON




KAMPO VICENTE LIM, Calamba City, Laguna — Doble-tulis ang mata at tenga ngayon ng mga kapulisan sa Calabarzon matapos pormal na buksan ang pagsasanay para sa mga bagong intelligence operatives noong Martes Setyembre 29, 2026.
Sa bisa ng Intelligence Basic Course (PNCO Class 02-037-R4A-2026-003) na ginanap sa nasabing kampo, sumalang na sa matinding pukpukan ang mga pulis para hasain ang kanilang diskarte sa pagtukoy ng mga banta at pagkalap ng sapat na impormasyon.
Sa mensahe ni PBGen. Dominic L Baccay, Regional Director ng PRO 4A—na inihatid ni PCOL Mario L Mayames Jr., Deputy Regional Director for Operations—walang puwang ang hula-hula sa modernong pagpupulis.
“Kailangan ang tumpak at action-ready na impormasyon para mapanatili ang kapayapaan,” giit ni COL Mayames sa mga kapulisan.
Hindi na raw pwede ang “porma” lang; kailangan ay may ibubuga sa operasyon. Bahagi ito ng pinaigting na B.E.S.T. Policing Framework ng PRO 4A para masigurong pulido, maaasahan, at laging una ang mga alagad ng batas laban sa mga kriminal.

