Oducado

Mambabatas nagsusulong ng malawak na reporma sa eleksyon

Mar Rodriguez May 19, 2026
27 Views

ISINUSULONG ni 1-Tahanan Party List Rep. Nathaniel Oducado ang mga panukalang batas na naglalayong magkaroon ng malawakang reporma sa eleksyon.

Nananawagan ang party list solon sa liderato ng Kamara de Representantes na ipasa ang inihain niyang “package” ng mga panukalang batas upang maisulong ang malawakang reporma sa sistema ng halalan.

Layunin ng mga panukalang batas na maibalik ang tiwala ng publiko sa sistema ng eleksyon, bawasan ang impluwensiya ng salapi sa politika at protektahan ang tunay na representasyon sa demokratikong sistema.

Hindi mabubuhay ang demokrasya kung ang eleksyon ay pumapabor lamang sa mayayaman, sa mga political clan at sa mga makapangyarihang interes habang ang mga karaniwang Pilipino ay isinasantabi.

“Ngunit ang problema natin ay lampas pa sa mga distansya; ito rin ay ang impluwensya ng maduming salapi na nagsasamantala sa mga lamat ng ating sistema sa halalan,” sabi nito.

Ayon kay Oducado, ina-update ng House Bill No. 8789 o ang “Campaign Finance Transparency and Modernization Act ang luma ng limitasyon sa gastos ng kampanya, nagtatakda ng limit sa donasyon ng mga donor at nag-aatas ng real time na pagsisiwalat sa pondo sa kampanya.

“Ang mga kasalukuyang sistema sa pananalapi ng eleksiyon ay napakaluma na at hinahayaan nitong mangibabaw ang mga mayayamang donor sa mga kampanya, habang ang mga karaniwang kandidato ay nahihirapang makipag-kompetensya ng patas,” paliwanag ng mambabatas.

Inaatasan din ng HB No. 8789 ang Commission on Elections (COMELEC) na magpanatili ng isang online database na bukas sa publiko para sa mga donasyon at gastos sa kampanya na maaaring saliksikin ayon sa kandidato, donor, halaga at petsa.

Karapatan ng mga Pilipino na malaman kung sino ang nagpopondo sa mga politiko dahil ang nakatagong salapi ay sumisira sa tiwala ng publiko at nagpapahina sa pananagutan.