Abante

Manatiling matatag sa Salita ng Diyos–Abante

Mar Rodriguez Sep 27, 2026
463 Views

HINIHIKAYAT ni Metropolitan Bible Baptist Ekklesia (MBBE) Bishop Bienvenido “Benny” Abante Jr. ang bagong henerasyon ng simbahan na manatiling matatag sa Salita ng Diyos, habang ipinagpapatuloy ang misyon ng MBBE na umabot na sa 51 taon.

Ginawa ni Abante ang panawagan nang magsalita sa 51st pre-anniversary celebration ng MBBE na ginanap sa Philippine International Convention Center (PICC) Plenary Hall noong Setyembre 25.

Ang ika-51 anibersaryo ng MBBE ay hindi lamang pagkakataon upang balikan ang mahigit limang dekadang ministeryo ng simbahan, kundi panahon din upang ihanda ang susunod na henerasyon na ipagpatuloy ang nasimulang gawain.

“Happy 51st Anniversary, Metropolitan Bible Baptist Ekklesia! All glory, honor, and praise belong to God alone,” pahayag ni Abante, kongresista ng Maynila at chairman ng House committee on human rights.

Direkta rin nitong hinikayat ang susunod na henerasyon ng MBBE na panghawakan ang pananampalataya at ipagpatuloy ang paglilingkod.

Sinabi ni Abante na bagama’t 51 taon na ang lumipas, nananatiling pareho ang pangunahing misyon ng MBBE—ang ipangaral ang Ebanghelyo at dalhin ang mga tao sa pananampalataya kay Hesukristo.

Ayon sa kanya, marami pang kaluluwa ang kailangang makarinig ng Ebanghelyo, mga pamilyang kailangang maabot at isang bagong henerasyon na kailangang maturuan na mahalin ang Diyos, maniwala sa Kanyang Salita at tapat na maglingkod sa Kanya.

Gayunman, winika pa ni Abante na hindi dapat makuntento ang simbahan sa mga nagawa nito sa nakalipas na 51 taon.

“Hindi lamang natin dapat balikan at sabihin, ‘Tingnan ninyo kung gaano na kalayo ang ating narating.’ Dapat din tayong tumingin sa hinaharap at itanong, ‘Panginoon, ano pa ang nais Mong ipagawa sa amin?”

Iginiit ni Abante na hindi kailanman umikot ang MBBE sa mga gusali, programa, posisyon o personalidad kundi kay Hesukristo at sa misyong ipinagkatiwala Niya sa simbahan.

Sa loob ng mahigit limang dekada, aniya, patuloy na ipinangaral ng MBBE ang Ebanghelyo, nagdala ng mga kaluluwa kay Kristo, nagsanay ng mga mananampalataya, nagpalakas ng mga pamilya, nagsanay ng mga manggagawa, nagtatag ng mga simbahan, nagpadala ng mga misyonero at nanindigan para sa katotohanan ng Salita ng Diyos.

Nagpasalamat din si Abante sa lahat ng naging bahagi ng ministeryo ng MBBE sa paglipas ng mga taon—kabilang ang mga pastor, mangangaral, misyonero, manggagawa, ministry leaders, miyembro at mga pamilya.

Bilang pagtatapos, binanggit ni Abante ang mensahe ng 1 Corinto 15:58, na nananawagan sa mga mananampalataya na manatiling matatag, hindi natitinag at patuloy na naglilingkod sa gawain ng Panginoon hanggang sa pagbabalik ni Hesus.