Just In

Calendar

May 2026
M T W T F S S
 123
45678910
11121314151617
18192021222324
25262728293031
Suspek Kinilala ni P/Lt. Col. Arwen Nacional (kaliwa) ang suspek na nagnakaw sa cellphone ng estudyante sa loob ng UST sa Sampaloc, Manila.

Mandurukot ng CP nagpanggap na taga-UST, buking, huli!

Jon-jon Reyes Aug 2, 2025
497 Views

ARESTADO ang 33-anyos na lalaki na nagpanggap na estudyante sa University of Santo Tomas (UST) matapos maaktuhang ninanakaw ang isang cellphone ng biktima sa loob ng UST Campus sa Maynila gabi ni Biyernes.

Nakilala ang suspek na si alyas “Raymond,” residente ng Bagong Barrio, Barangay 149, Lungsod ng Caloocan.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Arwen Nacional, hepe ng Manila Police District (MPD) Barbosa Police Station 14, bandang alas-8 ng gabi nang mangyari ang insidente ng pagnanakaw sa UST Campus sa A. H. Lacson Avenue corner España Boulevard, Sampaloc, Manila.

Base sa salaysay ng babaeng biktima na si alyas “Gleydile,” 21-anyos na tubong Masbate at estudyante ng UST na residente ng Brgy. 480, Sampaloc, habang nageehersisyo siya sa football field ng

UST Campus kasama ang kanyang mga teammates, napansin niya ang suspek na gumagala sa lugar.

Pagkaraan nito, nakita ng biktima ang suspek na hinahalungkat ang kanyang bag at pagkatapos ay kinuha ang kanyang cellphone. Dito na lumapit ang biktima para kumprontahin ang suspek.

Subalit agad na tumakbo ang suspek at sinubukang tumakas habang hawak ang cellphone ng biktima.
Sa pagkakataong iyon ay humingi ng tulong ang biktima at agad na nirespondehan ng naka-duty na security guard ng unibersidad at mga pulis na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.

Narekober sa possession ng suspek ang isang unit ng Oppo A54 cellphone na kulay asul at may berdeng casing na nagkakahalaga ng P12,000 na pag-aari ng biktima.

Ayon kay Nacional, ang suspek ay naaresto na rin dalawang taon na ang nakalipas matapos magpanggap na estudyante at pumasok sa iba’t ibang unibersidad, kung saan siya’y nagnanakaw ng mga cellphone, tablet at iba pang mahahalagang gamit ng mga estudyante.

Dahil dito ay patuloy aniya silang magsasagawa ng patrolling at clearing operations sa nasasakupang lugar upang maiwasan ang anumang klase ng krimen at mapanatili ang kaayusan at katahimikan sa kanyang area of responsibility.