Mangingisda arestado matapos magbenta ng shabu sa Caloocan

Edd Reyes Oct 23, 2024
87 Views

KALABOSO ang 30-anyos na mangingisda nang luminya sa ilegal na aktibidad sa pagnanais ng mas malaking kita matapos masabat ng pulisya Martes ng hapon sa Caloocan City.

Umabot sa isang kilo ng shabu na may katumbas na halagang P6,800,000.00 ang bitbit ng suspek na si alyas “Rossmark”, residente ng A. Cruz St. Brgy. Tangos, Navotas City, nang makipag-transaksiyon sa pulis na inakala niyang big-time buyer dakong ala-1:12 ng hapon sa loob ng Madonnal Lodge, Brgy. 136, Bagong Barrio sa Caloocan City.

Isinagawa ang buy-bust operation ng pinagsanib na puwersa ng PNP Drug Enforcement Group Special Operation Unit (SOU) ng National Capital Region sa pangunguna ni P/Maj. Renz Principe, katuwang si P/Lt. Aldazer Sahisa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) NCR Regional Office matapos ang matagumpay na pakikipag-transaksiyon ng police poseur-buyer kay Rossmark sa kanyang tinutuluyang lodging inn.

Bukod sa isang kilong shabu, nasamsam din ng pulisya sa suspek ang isang bulto ng markadong salapi na ginamit sa buy-bust operation na may nakapa-ibabaw lamang na P1,000 genuine bill at isang cellular phone na gamit ni Rossmark sa kanyang ilegal na pakikipag-transaksiyon sa mga buyer.

Kumpiyansa ang mga operatiba na magiging malakas ang kanilang ebidensiyang ihahain sa piskalya upang umakyat sa hukuman ang kaso lalu na’t kabilang sa mga nag-imbentaryo sa nakumpiskang ilegal na droga ang miyembro ng media na si Ka Maeng Santos ng Pahayagang Bulgar at Barangay Kagawad Anastacia Ocampo, pati na ang gamit na alternatibong recording device ng pulisya nang isagawa ang police operation.