Timbangan

Manila sinuyod sa mga depektibong timbangan; 212 nakumpisak

Edd Reyes Sep 29, 2026
119 Views

UMABOT sa 212 depektibo at may dayang timbangan ang kinumpiska sa Maynila noong Martes sa iba’t-ibang mga establisyemento, ayon kay Market Administration Office (MAO) director Joey “TJ” Hizon III.

Isinagawa ang operasyon alinsunod sa direktiba ni Mayor Isko Moreno Domagoso na tiyaking tama at maayos ang mga timbangang ginagamit sa pagtitinda sa mga pamilihan at establisimyento.

Bukod sa mga palengke na ang ilan ay may nakalagay pang “Timbangan ng Bayan,” sinuyod din ng mga bataan ni Hizon ang mga pawnshop, junk shop, grocery, laundry shop at iba pang gumagamit ng timbangan.

Nilinaw ng opisyal na hindi lamang mga timbangan na kulang sa tamang timbang ang kanilang kinukumpiska kundi pati ang mga timbangan na sobra sa timbang na layong makapanlinlang sa mamimili.

Tiniyak ni Mayor Isko Moreno na magpapatuloy ang pagsisikap ng Maynila upang matiyak ang patas na pagtitimbang at maprotektahan ang karapatan ng mga mamimili at pagnenegosyo sa lungsod.