Calendar
Klase sa OLFU sinuspinde dahil sa banta sa kapirang papel
TINUGUNAN ng pulisya ang pagbabanta na isinulat sa kapirasong papel na natagpuan sa isang silid aralan ng Our Lady of Fatima University (OLFU) Martes ng umaga sa Valenzuela City.
Nagsagawa kaagad ang mga tauhan ni Valenzuela police chief P/Col. Joseph Talento ng pagsusuri sa bawat sulok ng pasilidad ng paaralan na matatagpuan sa Tamaraw Hills, pati na ang pagrekisa sa mga bag ng mga estudyante, sa pakikipagtulungan ng pamunuan ng pamantasan.
Bilang hakbang din sa pag-iingat, pansamantala munang sinuspinde ang klase habang patuloy pang isinasagawa ng kapulisan ang pagsusuri, pati na ang pag-alam kung sino ang nagpadala o gumawa ng liham.
Matapos ang masusing pagsusuri, walang nakitang kahina-hinalang bagay na maglalagay sa panganib sa mga estudyante, mga guro, at mga kawani ng OLFU.
Tiniyak naman ng pulisya na lahat ng nakakarating na ulat sa kanila hinggil sa pagbabanta ay kanilang sineseryoso kahit ano pa mang paraan ito ipinapadala.
Hinimok din ni Col. Talento ang mga estudyante at mga magulang na maging kalmado at iwasan ang pagpapakalat ng hindi beripikadong impormasyon na magdulot ng hindi kinakailangang pangamba.

