Calendar
Bebot inireklamo ng panunutok ng baril parak ng ACG
NASA “hot water” ngayon ang isang pulis na nakatalaga sa PNP Anti-Cybercrime Group matapos ireklamo ng panunutok ng baril sa isang bebot Linggo ng madaling araw sa Malabon City.
Sa ipinarating na ulat ng Malabon police kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, dumalo sa isang kapistahan sa Brgy. Potrero ang biktima, kasama ang isa pa, nang lapitan sila ng senglot na pulis dakong alas-5 ng madaling araw at hinanap ang nawawalang cellular phone.
Naglabas umano ng baril ang pulis at itinutok sa ulo at leeg ng babae hanggang mamagitan ang mga taong nakapaligid kaya’t napayapa ang sitwasyon.
Nang umalis ang suspek, dito na humingi ng tulong ang babae sa Police Sub-Station 1 sa Potrero subalit hindi na inabutan ng nagrespondeng pulis ang kanilang kabaro at hindi na rin matagpuan sa tanggapan ng Anti Cyber Crime Response Team sa Northern District.kung saan siya nagre-report.
Dinala naman ng pulisya sa Malabon City Police Station ang biktima at kanyang kasama na tatayo bilang testigo upang maghain ng pormal na reklamo laban sa naturang parak.
Tiniyak naman ng Malabon City Police Station na tutugunan nila anumang reklamo o insidenteng may pagbabanta sa buhay gamit ang baril kahit pa kabaro nila ang nasasangkot.

