Chavit1 SUMBINGTIK ‘24 – Kumakaway sa mga tagasuporta si senatorial candidate Luis “Manong Chavit” Singson, na nakasuot ng pre-Spanish colonial costume, habang tinatanggap niya ang rockstar welcome sa Sumbingtik grand parade sa Cainta, Rizal, noong nakaraang linggo.

Manong Chavit nakisaya sa Sumbingtik Festival

152 Views

SA kabila ng paghahanda sa kanyang kampanya para sa bagong hamon sa public service, nakisaya si senatorial candidate Luis “Manong Chavit” Singson sa selebrasyon ng Sumbingtik Festival 2024 sa Cainta, Rizal.

Ang Sumbingtik Festival, na halaw sa mga sikat na produkto ng Cainta na suman, bibingka at latik, ay ipinagdiriwang upang itampok sa buong mundo ang cultural at culinary heritage ng probinsya.

At ngayong taon ay kasama si Manong Chavit sa mga nakiisa sa mga taga Barangay Sto. Niño na mai-showcase ang likas na kagalingan ng mga taga-Cainta pagdating sa pagluluto ng mga kakanin.

Noong Nobyembre 30, kasama si Manong Chavit, ay pinangunahan nina Cainta Mayor Elenita “Elen” Nieto at municipal administrator Johnielle Keith “Kit” Nieto ang float parade kung saan nagsuot ng traditional Muslim attire ang mga dumalo habang nakasakay sa mga magagarang float.

Si Manong Chavit, na nakasuot bilang Raja Sulayman, ang siyang panauhing pandangal at sumakay din sa isang napakamagarang float.

Doon, ibinahagi niya ang kanyang mga adhikain sa Senado, gaya ng modernisasyon ng mga public utility vehicle (PUV) sa pamamagitan ng pagbibigay ng pautang na zero downpayment, zero interest at zero collateral sa mga driver at operator.

Isinusulong rin ni Manong Chavit ang transition sa paggamit ng electric vehicles gaya ng e-trikes, motorcycles at e-jeepneys.

“Handa akong magpautang at tumulong sa ating mga drivers at operators ng walang interes at walang downpayment dahil nais kong maisama sila sa pag-unlad,” saad ni Manong Chavit na numero 58 sa senate ballot.

Inilahad rin niya ang kanyang programa na Chavit 500–isang universal basic income proposal na naglalayong magbigay ng buwanang P500 sa mga minimum wage earners pababa at ang nalalapit na paglulungsad ng VBank na tutulong sa mga ordinaryong Pilipino na magkaroon ng access sa banking system sa bansa.

Bilang isang beteranong public servant, naikuwento ni Manong Chavit ang kanyang dedikasyon sa pagtulong, gaya ng ginawa niya sa Ilocos Sur kung saan mula sa isa sa pinakamahirap na probinsya sa bansa ay naging panglima sa mga pinakamayamang probinsya.

Nang matanong kung ano ang masasabi niya sa nangyayaring tensyon sa pagitan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte, sinabi ni Manong Chavit na mas dapat isipin ang pagkakaisa at ang collective effort na tulungang mapaunlad ang bansa.

Nanawagan rin siya sa mga political leader na isantabi ang mga hindi pagkakaunawaan at magtulungan upang mas mapalakas pa ang ekonomiya ng bansa.