Santo Nino

Mapayapang pagdaraos ng Kapistahan ng Santo Nino sa Tondo ikinagalak

Mar Rodriguez Jan 24, 2024
183 Views

Bagong tondo Bagong tondoIKINAGALAK ni Manila 1st Dist. Congressman Ernesto “Ernix” M. Dionisio, Jr. ang naging tagumpay ng taunang Kapistahan ng Tondo matapos na maging payapa ang Piyesta ng Santo Nino alinsunod narin sa inilabas na ulat ng Kapulisan.

Sinabi ni Dionisio na batay sa naging ulat ng Philippine National Police (PNP), wala aniyang naitalang insidente ng kaguluhan sa pagdaraos ng Kapistahan ng Santo Nino noong nakalipas na January 21, 2024.

Dahil dito, ipinaliwanag pa ni Dionisio na ipinapakahulugan lamang nito na naging matagumpay din ang kanilang paghahanda at pagpa-plano para maging tahimik o payapa ang taunang Kapistahan ng Tondo.

Ayon kay Dionisio, maituturing na popular ang Piyesta ng Santo Nino hindi lamang sa Pilipinas bagkos maging sa ibang bansa. Kung kaya’t napakahalaga aniya na mapanatiling maayos at payapa ang Kapistahan dahil maraming tao ang sumasaksi sa napakahalagang okasyong ito.

Binigyang diin ng kongresista na sakaling sumiklab ang kaguluhan sa kasagsagan ng Piyesta ay hindi malayong malagay na naman ang Tondo sa isang nakakahiyang sitwasyon. Kaya laking pasasalamat ni Dionisio sa hanay ng Kapulisan dahil sa pagsisikap nilang mapanatili ang kapayapaan sa panahon ng Kapistahan.

Samantala, inihayag naman ni Dionisio na inilunsad nito ang programang “Bagong Tondo Free Training with Allowance” para sa mga residente ng nasabing lugar para tulungan sila sa iba’t-ibang larangan o basic skills.

Nabatid sa mambabatas na kabilang sa mga courses na itinuturo ng libre ay ang Electrical Installation and Maintenance training at iba pang kahalintulad nitong kurso para turuan ang mga mahihirap na Kabataan na matuto ng technical skills na magiging behikulo nito para makakuha ng trabaho.