Maranan Sinaluduhan ni Central Luzon police director Brig. Gen. Redrico A. Maranan ang labi ng napaslang na pulis na si SSg Jhon Espinoza sa kanyang pagdalaw sa burol nito sa Santa Rosa, Nueva Ecija nitong Lunes ng gabi. Kuha ni STEVE A. GOSUICO.

Maranan nakiramay sa naulila ng pulis na natepok sa holdapan

Steve A. Gosuico Oct 23, 2024
5 Views

SANTA ROSA, Nueva Ecija – Personal na binisita ni Police Regional Office 3 (PRO3) director Brig.Gen. Redrico A. Maranan ang burol ng napatay na pulis na si PSSg Jhon V. Espinoza upang ipaabot ang kanyang taos-pusong pakikiramay at suporta sa kanyang naulilang pamilya noong Lunes ng gabi.

Ang hepe ng PRO3, kasama si Nueva Ecija police head Col. Ferdinand D. Germino sa pagbisita, ay nagpaabot ng kanyang pakikipagsimpatiya sa pamilya ng nasawing pulis, na napatay sa isang nakawan sa Penaranda noong Linggo ng hatinggabi.

Nag-abot si Maranan ng financial token sa pamilya ni Espinoza bilang tanda ng pakikiisa at pangako ng Philippine National Police na susuportahan nito ang pamilya ng mga nasawing kasamahan.

Tiniyak din niya sa naulilang pamilya ni Espinoza na ang buong Central Luzon police force ay naninindigan sa kanilang tabi sa panahong ito ng pagdadalamhati at patuloy na magbibigay ng suporta sa pagkawala ni Espinoza.

Tiniyak din ni Maranan na makakamit nila ang hustisya at binigyang diin ng heneral na ang lahat ng kinakailangang pagsisikap ay ginagawa upang matiyak na mananagot ang mga gumawa ng krimeng ito.