Calendar

Marbil nagbigay ng buong suporta sa mga Fil-Chinese
SA harap ng mga ulat ng pagkidnap at pagkamatay ng ilang Chinese nationals, nakipagpulong nitong Biyenes ng umaga si Philippine National Police chief, General Rommel Francisco D. Marbil sa mga opisyales ng Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc. (FFCCCII) sa Camp Crame.
Tinalakay sa pagpupulong ang pag-aalala ng Filipino-Chinese community hinggil sa kanilang kaligtasan, lalo na matapos ang mga insidenteng nagdulot ng takot hindi lamang sa mga negosyante kundi maging sa pangkalahatang publiko.
Tiniyak ni General Marbil sa FFCCCII na pinamumunuan ni Mr. Victor Lim na ang PNP ay naka-focus at “on top of the situation.”
Aniya, ginagawa na ng kapulisan ang lahat upang mabilis na makilala at mahuli ang mga responsable sa mga krimen. “Alam po namin ang bigat at kahalagahan ng mga kasong ito. Buong pwersa ng PNP ang nangangakong agad na masolusyonan ito at maibalik ang kumpiyansa ng publiko sa ating kapayapaan at kaayusan,” diin ng Hepe ng Pambansang Pulisya.
Kasama sa napagkasunduan ng PNP at FFCCCII ang pagbuo ng isang programa para sa mas pinaigting na ugnayan at maagap na pagtukoy sa mga posibleng banta. Kabilang dito ang mas matibay na koordinasyon sa mga lokal na pulisya, pagpapaigting ng surveillance sa mga business hubs, at pagbibigay ng safety briefings sa mga kasaping kumpanya at komunidad.
“Lubos ang aming pag-aalala at hindi kami titigil hangga’t hindi namin nakukuha ang hustisya para sa mga biktima. Lahat ng investigative resources ay activated at lahat ng kakayahan ng PNP ay gagamitin para hindi na maulit ang ganitong mga insidente,” dagdag pa ni Gen. Marbil.
Pinawi din ng PNP chief ang pangamba ng Filipino-Chinese community sa kanilang seguridad at binigyang diin ang ‘all-out effort’ by pulisya para malutas ang pagdukot at papgpatay sa isang Chinese businessman at driver niya.
Dahil dito, ang FFCCCII ay nangako ng kanilang lubos na suporta sa PNP sa isinasagawa nitong imbestigasyon sa kaso ni Anson Que na lumalabas na isang ‘kidnapping-for-payment’ incident na kinsasangkutan ng isang grupo na involved sa iligal na POGO operations.
Sinabi ni Lim na buo ang kanilang tiwala sa kakayahan ni Gen. Marbil at mga tauhan niya na malulutas kagyat ang kaso ni Que at driver niya.
“We have confidence in your leadership. We are confident you will solve this problem,” sinabi ng FFCCCII president.
Pinawi rin ng PNP ang mga pangamba tungkol sa umano’y walang kaukulang batas na umiiral at ang negatibong epekto nito sa imahe ng Pilipinas sa international community, partikular sa mga foreign investors at bisita.
Ayon kay Gen. Marbil, ligtas pa rin ang bansa para sa negosyo at turismo, at ang kapulisan ay nananatiling alerto at handang tugunan ang anumang banta sa kapayapaan.
“Nanawagan kami ng pagkakaisa at pagiging kalmado sa gitna ng sitwasyon. Ang mga insidenteng ito ay hindi sumasalamin sa kabuuan ng ating bansa. Ang tunay na repleksyon natin ay ang ating determinasyon na pairalin ang batas at protektahan ang lahat ng tao, Pilipino man o banyaga, na namumuhay at namumuhunan sa Pilipinas,” pagtatapos ni Gen. Marbil.
Ang nasabing pagpupulong sa pagitan ng PNP at FFCCCII ay nagpapakita ng pagkakaisa at pagtutulungan para sa kapayapaan at katarungan, at patuloy na pagpapatibay ng ugnayan ng kapulisan at sektor ng negosyo, ayon kay PNP Public Information Office chief, Colonel Randulf T. Tuaño.