Calendar

Marbil sa PNP: Suportahan si Torre
HINIKAYAT ni outgoing Philippine National Police chief, General Rommel Francisco D. Marbil ang buong kapulisan na lubos na suportahan ang kanyang kapalit na si Major Gen. Nicolas D. Torre III katulad ng ginawa nilang pagsuporta sa kanya simula ng matalaga siya na hepe ng Pambansang Pulisya noong Abril 1 ng nakaraang taon.
Hinirang ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. si Maj. Gen. Torre, isang miyembro ng PNP Academy ‘Tagapaglunsad’ Class of 1993 na kasalukuyang director ng PNP Criminal Investigation and Detection Group bilang bagong PNP chief kapalit ni Gen. Marbil umpisa sa Lunes.
Sa isang maikling pahayag, ipinahayag ni Gen. Marbil ang kanyang taos-pusong pasasalamat sa Pangulo at sa sambayanang Pilipino para sa tiwalang ibinigay sa kanya bilang ika-30 Hepe ng PNP, at nanawagan sa buong kapulisan na ibigay ang kanilang buong suporta sa papasok na pinuno.
“Si PMGen Torre ay isang masipag, subok na at may matatag na prinsipyong opisyal. Buo ang aking tiwala na kanyang ipagpapatuloy ang pamumuno sa PNP nang may integridad at malinaw na direksyon. Hinihikayat ko ang bawat pulis at kawani ng PNP na ibigay sa kanya ang parehong suporta at kooperasyon na inyong ipinagkaloob sa akin,” ayon kay Marbil.
Ipinahayag din ni Gen. Marbil ang kanyang positibong pananaw na ipagpapatuloy ni Torre ang pangunguna sa PNP upang mapanatili ang tagumpay ng kampanya kontra-krimen na nagbunga ng kapansin-pansing pagbabago sa kapayapaan at kaayusan sa bansa.
Si Maj. Gen. Torre ay gumanap na sa iba’t ibang mahalagang posisyon sa loob ng organisasyon at kilala sa kanyang matatag na paninindigan para sa internal na reporma, pakikipag-ugnayan sa komunidad, at kahusayan sa imbestigasyon.
Habang nagsisimula ang transisyon ng pamumuno, binigyang-diin ni Gen. Marbil ang kahalagahan ng pagkakaisa at propesyonalismo upang mapanatili ang momentum ng PNP sa pagpapatupad ng mga repormang nakahanay sa Bagong Pilipinas governance agenda ng administrasyon.